Calendar
LTFRB chair nag-surprise inspection sa gas stations para tiyakin pagpapatupad ng fuel discount
NAGKAROON ng surprise inspection si Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) Chairman Atty. Vigor Mendoza II sa ilang gasoline station sa Metro Manila upang tiyakin kung napapatupad abg itinaas na P12 kada litrong fuel discount simula noong Agosto 15.
“Minomonitor din natin ang unang araw ng pagpapatupad ng programa sa buong bansa sa pamamagitan ng ating mga RFRO (Regional Franchising and Regulatory Office).
Layunin nating matiyak na maayos ang implementasyon at agad na maresolba ang anumang hamon na maaaring lumitaw,” ani Chairman Vigor.
Wala pang nakikitang problema sa mga participating gas stations ngunit magpapatuloy ang araw-araw na monitoring alinsunod sa direktiba ni DOTr Secretary Giovanni Lopez.
Sa Metro Manila, walo sa 10 gas station na kanilang binisita ang nagpapatupad na ng P12 kada litro na discount.
Itinaas ang fuel discount mula P10 tungo sa P12 kada litro bilang bahagi ng suporta ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr. sa sektor ng pampublikong transportasyon.
May ilang gasolinahan ding nagbibigay ng karagdagang discount na umaabot sa P5 kada litro sa ilalim ng loyal customer promotions.
Dahil dito, maaaring umabot sa P17 kada litro ang kabuuang discount para sa mga jeepney at UV Express operator.
Mahigit 143,000 jeepney at UV Express units na ang nakalista sa programa sa higit 5,000 gas station sa buong bansa.
Maaari silang makakuha ng discount para sa hanggang 150 litro kada linggo, o tinatayang P1,800 na matitipid bawat linggo.
Kailangan lamang ipakita ng driver ang plaka ng sasakyan bago magpakarga upang awtomatikong maibawas ang discount.
Tumulong ang Land Bank of the Philippines sa DOTr at LTFRB sa pagbuo ng online platform para sa fuel discount sa pakikipag-ugnayan sa Department of Energy.
Inatasan na rin ng chairman ng LTFRB ang lahat ng RFRO na magmonitor at magsumite ng ulat hinggil sa implementasyon ng programa sa kanilang mga lugar.

