Just In

Calendar

October 2026
M T W T F S S
 1234
567891011
12131415161718
19202122232425
262728293031  
Ligutan Tinatanong ni Atty. Amando Ligutan kung ang kanyang pinapakitang “simulated representation of P125 million” ay pareho rin ng nakitang ganoon kalaking halaga ni Gina Acosta, dating special disbursing officer of the Office of the Vice President. Kuha ni JOSEPH MUEGO

Acosta: Iniutos ni VP Sara pagpapalabas ng P125M confidential funds kay Lachica

151 Views

PERSONAL na iniutos ni Vice President Sara Z. Duterte ang pagpapalabas ng buong P125 milyon na confidential funds ng Office of the Vice President (OVP) kay security officer Col. Raymund Dante Lachica matapos ma-withdraw nang cash ang halaga noong Dis. 20, 2022.

Isiniwalat ito ni dating OVP special disbursing officer (SDO) Gina Acosta noong Lunes habang tumetestigo bilang hostile witness sa impeachment court ng Senado, kung saan direktang tinukoy niya si Duterte bilang opisyal na nag-utos sa kanya na ibigay ang pera kay Lachica.

“Ang nag-utos po sa akin na i-release ang pera na 125M sa security officer na si Col. Lachica ay si Ma’am Sara Duterte,” sabi ni Acosta.

Sinabi ni Acosta na tinawagan niya si Lachica matapos i-encash ang tseke dahil sa utos ni Duterte, na tinukoy niya bilang kanyang head of agency.

“Kasi po may instruction po sa taas, Your Honor, ng aking head of agency na kung ma-encash ko po ang cheque, i-release ko po kay Sir Lachica,” patotoo niya, na tinutukoy ang Vice President.

Hinarap din ng private prosecutor na si Atty. Amando Virgil Ligutan si Acosta sa kanyang sinumpaang testimonya noong pagdinig ng House Committee on Good Government and Public Accountability noong Nob. 25, 2024.

Nang tanungin sa pagdinig na iyon kung bakit niya ibinigay ang lahat ng pera kay Lachica, sumagot si Acosta: “Because po may utos po ni Ma’am Inday Sara na sa kanya po i-release kasi siya po ang nakakaalam kung paano po i-implement ang mga programs and activities in line po sa confidential activities.”

Pinagtibay ni Acosta ang pahayag sa impeachment court.

Ipinakita rin sa isa pang bahagi ng kanyang naunang testimonya na sinabi ni Acosta na hindi niya ipagkakatiwala kay Lachica ang P125 milyon kung wala ang pag-apruba ni Duterte.

“May approval po kay Ma’am Inday Sara,” sabi ni Acosta nang tanungin kung ano ang nagbigay sa kanya ng kumpiyansa na ibigay ang buong halaga kay Lachica kahit siya mismo ang accountable officer.

Nang tanungin kung gagawin ba niya iyon nang walang pag-apruba ni Duterte, sumagot si Acosta: “Hindi po.”

Nauna ring nagpatotoo si Acosta na nagmula ang tiwala niya kay Lachica sa tiwala ni Duterte sa security officer.

“I trust Lachica kasi ginatrust po siya ng aking head of office, Inday Sara,” sabi niya.

Ang P125 milyon ang unang bahagi sa apat na tranche ng confidential funds na umabot sa kabuuang P500 milyon na inilaan sa OVP noong 2022 at 2023.

Sinusuri ang mga transaksyon sa ilalim ng Article I ng impeachment complaint laban kay Duterte na may kaugnayan sa umano’y maling paggamit ng P612.5 milyon na confidential funds ng OVP at Department of Education. Nina RYAN PONCE PACPACO & PS JUN M. SARMIENTO