Calendar
Kelot na may kasong rape, nagtago ng isang dekada, tiklo sa Batangas


KAMPO HENERAL MALVAR, Lungsod ng Batangas — Nadakip noong Lunes ng mga awtoridad ang tinaguriang Provincial Most Wanted Person ng Albay matapos ang higit isang dekadang pagtatago sa batas sa isinagawang operasyon sa Ibaan, ng nabanggit na lungsod.
Kinilala ng Batangas police director PCol. Oliver Ebora ang suspek na si alyas Win, 34, tubong Ligao City, Albay, at naninirahan sa Brgy. Balanga, Ibaan.
Ayon sa ulat ng Ibaan Municipal Police Station, inaresto ang suspek sa bisa ng Warrant of Arrest na inisyu pa noong July 14, 2010 ng Regional Trial Court Branch 14 sa Ligao City para sa kasong rape. May inirekomendang piyansa ang korte na ₱200,000 para sa kanyang pansamantalang kalayaan.
Ginamitan ng mga awtoridad ng dalawang alternative recording devices ang operasyon at ipinaalam sa suspek ang kanyang mga karapatang konstitusyonal.
Kasalukuyang nasa kustodiya na ng mga kapulisan ng bayan ng Ibaan ang suspek habang inihahanda ang pagbabalik ng warrant sa pinagmulang korte.

