Pacquiao

PACQUIAO NAKISALAMUHA SA KOMUNIDAD NG MGA PILIPINO SA CHICAGO

31 Views

Pacquiao1Pacquiao2

MALUGOD na tinanggap ng Philippine Consulate General sa Chicago (PCG-Chicago) at ng mga komunidad ng mga Pilipino dito ang boxing legend at dating senador na si Manny Pacquiao sa ginanap na meet and greet noong ika-15 ng Agosto 2026 sa Chicken Ati-Atihan, Niles, Illinois.

Dumalo sa nasabing pagtitipon sina Consul Melvin Almonguera at Consul Ella Karina Mitra kasama ang grupong Bisayang Mason sa Illinois.

Daan-daang miyembro ng Filipino-American community ang dumagsa sa okasyon upang makatagpo at makapagpakuha ng larawan kasama ang Pambansang Kamao.

Ipinakita ng naturang pagtitipon ang matibay na suporta at pagkakaisa ng mga Pilipino sa Illinois, pati na rin ang patuloy na malapit na ugnayan ni Pacquiao sa mga kababayan sa Estados Unidos.

Nasa Chicago ang pamilya Pacquiao upang samahan ang anak ng dating senador na si Queen Elizabeth “Queenie” Pacquiao, na nakatakdang magsimula ng kanyang pag-aaral sa kolehiyo sa Loyola University Chicago.

Binigyang-diin naman ng Philippine Consulate General ang kanilang patuloy na pakikiisa at pagsuporta sa mga aktibidad na nagbubuklod sa komunidad ng mga Filipino-American at nagpapatibay ng ugnayan ng mga ito sa Pilipinas