Barbers

Acosta lalo umanong nagpatibay sa impeachment case laban kay Sara Duterte – Barbers

41 Views

SA halip na pahinain ang impeachment case laban kay Vice President Sara Z. Duterte, lalo umanong nagpatibay sa mga alegasyon laban sa kanya ang testimonya ni Gina Acosta, ayon kay dating Surigao del Norte Rep. Ace Barbers.

Ayon kay Barbers, tagapagsalita at tagapayo ng House prosecution panel, nagulat ang mga tagausig nang panindigan ni Acosta ang kanyang naunang pahayag noong 2024 sa harap ng House Committee on Good Government and Public Accountability.

Sinabi ni Barbers na inaasahan nilang babaguhin o sasalungatin ni Acosta ang kanyang dating testimonya, ngunit sa halip ay nanatili itong pareho sa kanyang salaysay sa harap ng Impeachment Court.

Si Acosta, na dating special disbursing officer ng Office of the Vice President (OVP), ay nagsabi sa Senado na nagsisilbing Impeachment Court na iniabot niya ang P125 milyong confidential funds noong Disyembre 2022 kay Col. Raymund Dante Lachica, na noon ay pinuno ng security team ng Bise Presidente.

Ayon kay Acosta, ginawa niya ito matapos siyang utusan umano ni Vice President Duterte, kahit may mga usapin kaugnay ng pagsunod sa Joint Circular sa paggamit, pag-uulat, at pag-liquidate ng confidential funds.

Sinabi ni Barbers na mahalaga ang testimonya ni Acosta dahil siya ang opisyal na personal na humawak sa pagproseso ng pag-withdraw ng pondo bago ito napunta kay Col. Lachica.

Dagdag pa niya, tumugma rin umano ang pahayag ni Acosta sa testimonya ng mga naunang saksi mula sa LandBank tungkol sa pag-withdraw at paghawak ng naturang halaga.

Samantala, sinabi ni Barbers na itinuring nilang hostile witness si Acosta dahil hindi nila inaasahan na ang isang kasalukuyang empleyado ng OVP ay magbibigay ng testimonya na maaaring makasama sa panig ng Bise Presidente.