Calendar
Filipino, wikang rehiyonal nakakatulong mas maunawaan kapwa Filipino
SINABI ni Senador Francis “Kiko” Pangilinan na nakatutulong ang Filipino at mga wikang rehiyonal upang mas maunawaan ang karanasan at pinagdaraanan ng kapwa Pilipino, lalo na ang mga komunidad na madalas na naiiwan sa laylayan.
Sa kanyang mensahe para sa Araw ng Wika na may petsang Agosto 19, sinabi ni Pangilinan na dala ng wika ang kuwento, kultura at kasaysayan ng isang bayan at bahagi ito ng pagkakakilanlan ng mga Pilipino.
“Iba ang datíng ng ‘mahal ka namin’ kaysa sa ‘we love you.’ Sabi ng ating sariling tennis sensation na si Alex Eala, mas malalim ang hugot ng wikang Pilipino sa kanya. Kaya sadya siyang nagbabasa at nakikinig sa Filipino. Nakatali kasi sa pagkatao natin ang lumalabas sa bibig natin,” sinabi ni Pangilinan.
Gumamit siya ng mga salita mula sa iba’t ibang wika sa bansa bilang halimbawa.
Binanggit ni Pangilinan ang Capampangan na “manyaman ya,” o “it’s delicious,” bilang pagpapahayag ng pasasalamat kapag nakikikain sa mga magsasaka at katutubo.
Tinukoy din niya ang Bisaya na “kaluoy,” o “it’s a pity,” sa paglalarawan sa kakarampot na huli ng mga mangingisda, at ang Ilocano na “agyamanak,” o “thank you,” sa pagpapahayag ng pasasalamat sa mga manggagawa.
“Mas nauunawaan natin ang mga hamon na kinahaharap ng ating kapwa Pilipino, lalo na ang kadalasan ay naiiwan sa laylayan, kapag marunong tayong makinig sa sarili nating wika — sa sarili nating tinig,” sinabi ni Pangilinan.
Ayon kay Pangilinan, ang pakikinig sa sariling wika ng mga tao ay makatutulong upang mas maunawaan ang kanilang mga suliranin at karanasan.
Binanggit din niya si dating Pangulong Manuel L. Quezon, na tinawag niyang Ama ng Wikang Pambansa, sa pagsasabing nakatutulong ang sariling wika sa pagbubuklod ng mga Pilipino.

