Calendar
4 na human trafficking victims, nasagip sa NAIA, Clark
Nasagip ng Bureau of Immigration (BI) ang 14 na hinihinalang biktima ng human trafficking sa magkahiwalay na insidente sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3 at Clark International Airport (CRK) Terminal 2 matapos umanong alukin ng trabaho sa Russia.
Ayon sa BI, anim na lalaki na nasa edad 40 hanggang 50 ang nasagip sa Clark matapos tangkaing bumiyahe patungong Hong Kong sakay ng Cebu Pacific. Una nilang sinabi sa immigration officers na magbabakasyon sila kasama ang dati nilang mga kasamahan sa militar, ngunit nagkakasalungatan ang kanilang mga pahayag tungkol sa biyahe.
Kalaunan, inamin nilang ang tunay na destinasyon nila ay Russia, kung saan inalok sila ng trabaho kapalit ng suweldong aabot sa USD3,000 kada buwan.
Samantala, walong iba pa ang nasagip sa NAIA noong Agosto 8 habang patungong Singapore. Binubuo sila ng anim na lalaki at dalawang babae na nasa edad 30 hanggang 50. Una rin nilang idinahilan na business trip ang kanilang biyahe bago natuklasang patungong Russia sila at inalok umano ng mataas na sahod at Russian citizenship.
Dalawa ring umano’y recruiter, isang lalaki at isang babae, ang naaresto. Ayon sa BI, kasama pa ng walong biktima sa flight ang kanilang mga facilitator na iginiit na business trip lamang ang kanilang pakay.
Itinurn-over sa Inter-Agency Council Against Trafficking ang 14 na biktima at dalawang hinihinalang recruiter para sa karagdagang imbestigasyon at pagsasampa ng kaukulang kaso.
Nagbabala naman si BI Commissioner Joel Anthony Viado laban sa mga recruitment scheme na gumagamit ng pangakong malaking suweldo at citizenship. “These recruiters will promise you high salaries and even citizenship, but victims often fall into distressing situations,” aniya.

