Calendar
Sen. Bam Aquino
Makupad na release ng P67B classroom construction funds pinuna ni Aquino
SINABI ni Sen. Bam Aquino na iisang local government unit (LGU) lamang ang nakatanggap ng pondo mula sa humigit-kumulang P67 bilyong nakalaan para sa classroom construction hanggang Hulyo 23.
Tinukoy ni Aquino ang Biliran na nag-iisang LGU na nakatanggap ng pondo noon, mula sa 82 lalawigan, 149 lungsod at 1,493 munisipalidad sa buong bansa.
Sinabi rin niya na hindi pa nagsisimula noon ang Department of Public Works and Highways (DPWH) sa classroom construction program nito hanggang sa pagdinig ng komite noong Hulyo 23.
“Pitong buwan na ang lumipas ngunit by that night, by that day, July 23, isa pa lang na LGU ang nabigyan ng budget mula sa P67 billion na nakalaan para sa classroom construction,” sabi ni Aquino.
Hinimok ni Aquino ang Department of Education, DPWH at Department of Budget and Management na bilisan ang paglabas ng pondo at pagpapatupad ng mga classroom project.
Ayon kay Aquino, isinumite na ang listahan sa Second Congressional Commission on Education para sa masusing pag-aaral at pagbuo ng classroom tracker.
Ipakikita sa tracker kung saan planong magtayo ng mga silid-aralan ngayong taon at sa mga susunod na taon.
Nais niyang mapabilis ang paglabas ng pondo dahil nangangamba siyang maaaring mabanggit ang mababang utilization rate sa pagtalakay sa susunod na classroom budget.
Nanawagan din siya na umusad ang Classroom-Building Acceleration Program Act, na sinabi niyang ipinasa ng Senado noong Nobyembre 2025 at nananatiling nakabinbin sa House of Representatives.
