Calendar
Batas sa MSMEs nais amyendahan ni Aquino
NANAWAGAN si Sen. Paolo Benigno “Bam” Aquino sa pag-amyenda sa mga batas para sa micro, small and medium enterprises (MSMEs) upang magkaroon ng mas malinaw na suporta ang mga negosyo habang lumalaki o lumalago.
Inihayag ni Aquino ang panukala sa pagdinig ng Senate committee on trade, commerce and entrepreneurship tungkol sa mga mungkahing amyenda sa Magna Carta for MSMEs at Go Negosyo Act.
Sinabi ni Aquino na dapat palakasin ng mga panukalang amyenda ang Negosyo Centers at pagbutihin ang suporta sa mga negosyo sa financing, pagpapadali ng pagnenegosyo, market access, digitalization at skills development.
“It is time to revisit our laws. Is the current definition of MSMEs still appropriate for today’s economy? Do we have a clear pathway to help them level up?” sinabi ni Aquino.
Ayon sa senador, dapat magkaroon ng mas malinaw na paraan upang matulungan ang micro enterprises na maging small businesses, ang small enterprises na maging medium-sized firms at ang medium enterprises na patuloy na lumaki.
Hindi lamang pagdami ng MSMEs ang dapat maging layunin kundi pati ang pagtulong sa mga negosyo na manatiling matatag, makalikha ng trabaho, makapasok sa mas malalaking merkado at mapalawak ang kanilang operasyon.
“When our MSMEs thrive, more Filipino families will have better livelihoods. More communities will grow, and our economy will become stronger and more inclusive. We hope that we can all work together to make this a reality,” dagdag niya.

