Bam3 Sen. Bam Aquino, chair ng Senate committee on basic education

Ugnayan ng paaralan, industriya para sa trabaho ng graduates pag-aralan – Aquino

127 Views

SINABI ni Sen. Bam Aquino na naghahanda ang Second Congressional Commission on Education ng pilot program upang pag-aralan kung paano mapapalakas ang ugnayan ng mga paaralan at industriya para magkaroon ng mas malinaw na landas tungo sa trabaho ang mga nagtapos ng K to 12 at kolehiyo.

Susuriin sa programa ang mga paraan upang mapalakas ang koordinasyon ng mga paaralan at industriya, habang lumilipat ang mga estudyante mula pag-aaral tungo sa trabaho.

Saklaw ng pilot program ang mga nagtapos ng K to 12 at kolehiyo, ayon kay Aquino.

Ang pagkakaroon ng oportunidad sa trabaho pagkatapos ng graduation ay isa sa mga panukat niya sa kalidad ng edukasyon.

Tinukoy ni Aquino ang trabaho para sa mga graduates bilang isa sa mga usaping babantayan ng kanyang komite sa susunod na taon, kasama ang classroom construction at school safety.