Mas mabigat na parusa sa illegal hospital detention aprubado na sa Senado

136 Views

INAPRUBAHAN ng Senado sa huling pagbasa ang panukalang magpapataw ng mas mabigat na parusa sa mga ospital at clinic na ilegal na pumipigil sa paglabas ng mga pasyente, mga bagong silang na sanggol at labi ng mga namatay dahil sa hindi bayad na hospital bills.

Naaprubahan ang Senate Bill No. 1511, o ang panukalang Enhanced Anti-Hospital Detention Act, sa botong 18 pabor, walang tutol at isang abstention.

Sinuportahan ni Senador Mark Villar ang panukala na naglalayong palakasin ang Republic Act No. 9439, ang umiiral na batas na nagbabawal sa mga ospital at clinic na pigilan ang paglabas ng mga pasyenteng hindi agad makabayad ng kanilang gastusing medikal.

“Hindi dapat maging kulungan ang mga ospital at clinic para sa ating mga kababayang hindi agad makabayad ng hospital bills,” sinabi ni Villar.

Pinalalawak ng panukala ang proteksiyon upang masaklaw din ang mga kamag-anak, kinatawan at tagapag-alaga ng pasyente.

Ipinagbabawal din ng panukala ang tinatawag na “palit-ulo” scheme, kung saan pinananatili sa ospital ang isang kamag-anak, tagapag-alaga o ibang tao bilang kondisyon para payagang makalabas ang pasyente.

Inilarawan ni Villar ang gawaing ito bilang hindi makatao at nakalalapastangan sa dignidad, lalo na sa mga pamilyang humaharap na sa karamdaman, pagkamatay ng mahal sa buhay at gastusing medikal.

Sa ilalim ng panukala, ang mga opisyal o empleyado ng ospital na responsable sa illegal detention ay maaaring pagmultahin ng hanggang P300,000 o makulong nang hanggang dalawang taon at apat na buwan.

Ang mga hospital director o opisyal na nagtatatag o nagpapatupad ng polisiya ng illegal detention ay maaaring pagmultahin ng P500,000 hanggang P1 milyon at makulong nang apat hanggang anim na taon.

Maaari ring bawiin ang lisensiya ng ospital kapag nakapagtala ito ng tatlong paglabag sa ilalim ng naturang polisiya.

Hindi binubura ng panukala ang lehitimong pagkakautang sa ospital at hindi rin nito pinagbabawalan ang mga medical facility na maningil ng hindi pa nababayarang gastusin.

Ang mga pasyenteng walang kakayahang magbayad ay maaaring lumagda sa promissory note na may seguridad o garantiya na kinikilala sa ilalim ng panukala.

Sinabi ni Villar na may karapatan ang mga ospital na maningil ng lehitimong bayarin ngunit hindi ito dapat gawin sa pamamagitan ng pagpigil sa kalayaan ng isang tao.