Shooting

Mas mahigpit na gun storage rules itinulak ni Tulfo

172 Views

ISINUSULONG ni Senator Raffy Tulfo ang mas mahigpit na patakaran sa pagtatago ng mga baril matapos ang pamamaril sa Ateneo de Zamboanga University noong Agosto 18 na ikinasawi ng dalawang estudyante.

Nais ni Tulfo na inspeksyunin muna ng Philippine National Police kung may ligtas na paglalagyan ng baril ang isang aplikante bago ito pagkalooban ng License to Own and Possess Firearms o LTOPF.

“We need to revisit existing laws on gun ownership. Dapat bago mag-issue ng LTOPF ang PNP ay ma-inspect muna nila kung ang licensed owner ay mayroong secured na lugar na mapaglalagyan ng baril niya,” ani Tulfo.

“Hindi dapat ito basta basta ma-access ng kung sinoman, kabilang na ng anak ng licensed owner,” dagdag niya.

Ayon sa tanggapan ni Tulfo, kinumpirma ng Bureau of Customs na isa sa dalawang baril na ginamit sa insidente sa Zamboanga ay government-issued firearm na nakatalaga sa ama ng estudyanteng tinukoy sa pahayag bilang namaril. Isang Customs police officer ang ama.

Nais din ni Tulfo ng mas mabigat na parusa, kabilang ang pagkakakulong, sa mga lisensiyadong may-ari ng baril kapag nagamit ng ibang tao ang kanilang armas sa labag sa batas na paraan.

“Kapag ikaw ang licensed owner at nagamit ang baril mo sa hindi tamang paraan, dapat kasuhan ka, makulong,” ani Tulfo.

Sinabi rin ng kanyang tanggapan na humingi ito kay Department of Education Secretary Sonny Angara ng mas detalyadong ulat hinggil sa insidente.

Nauna na ring nanawagan si Tulfo ng karagdagang security measures sa mga paaralan, kabilang ang paggamit ng handheld metal detectors ng mga security guard upang makatulong sa pagtukoy ng mga baril at iba pang ipinagbabawal na gamit.

Naghain din si Tulfo ng Senate Bill No. 2371 upang amyendahan ang Juvenile Justice and Welfare Act.

Sa ilalim ng panukala, aatasan ang Department of Social Welfare and Development na magtatag at magpatakbo ng hindi bababa sa isang Regional Rehabilitation Center for Youth sa bawat rehiyon.

Naglalaan din ito ng hiwalay at ligtas na residential units para sa mga batang edad 12 hanggang 15 na saklaw ng mga probisyon ng batas hinggil sa mabibigat na krimen, kasama ang rehabilitation, treatment at mas masinsing juvenile intervention.

Itinatadhana rin ng panukala ang pana-panahong pagsusuri ng korte sa rehabilitasyon ng bata upang matukoy kung maaari na siyang maibalik sa pamilya o kailangan pang manatili sa isang intervention program.

Naglalaan din ang panukala ng tulong sa mga biktima, kabilang ang agarang serbisyong medikal, psychological counseling, social welfare services at legal assistance, alinsunod sa panukala at umiiral na mga patakaran.