Calendar
Mas mabigat na parusa sa pag-udyok ng perjury itinutuulak ni Lacson
SINABI ni Senator Panfilo “Ping” Lacson na maghahain siya ng panukalang magpapataw ng mas mabigat na parusa at multa sa mga taong humihikayat o pumipilit sa iba na gumawa ng perjury kasunod ng mga pagbawi sa testimonya na may kaugnayan sa kontrobersiya ng “Maleta Boys.”
Tinukoy ni Lacson ang panukalang paglabag bilang “subornation of perjury,” na inilarawan niya bilang pag-udyok o pamimilit sa ibang tao na gumawa ng perjury.
“I will file a bill imposing heavier penalty and fine for ‘subornation of perjury’ or, if a person induces or forces another to commit perjury,” ani Lacson.
Kasunod ang panukala ng pagbawi ni Orly Guteza at tatlong tinaguriang “Maleta Boys” sa mga nauna nilang pahayag hinggil sa umano’y paghahatid ng perang nakalagay sa mga maleta sa ilang personalidad.
Sinabi ni Lacson na sa ilalim ng umiiral na batas, maaari nang managot bilang “principal by inducement” ang isang taong humihikayat sa iba na gumawa ng perjury.
“Orly Guteza’s recantation should not end there. Republic Act No. 11594 which we passed in October 2021 has increased the penalty for perjury to ‘prision mayor’. Further, a person who induces another to commit perjury is also liable for being a principal by inducement,” ani Lacson.
Ayon kay Lacson, maaaring magsampa ng reklamo ang taong direktang naapektuhan o napinsala ng umano’y perjury at binanggit niya si dating Speaker Martin Romualdez kaugnay ng kaso ni Guteza.
“(T)he person directly offended or prejudiced by the perjury may file. In Guteza’s case – ex Speaker Romualdez. If not him for some reason, any public officer charged with enforcing the law,” ani Lacson.
Sa pagbawi ng kanyang naunang pahayag, inakusahan ni Guteza sina Senator Rodante Marcoleta at dating congressman Michael Defensor na pinatestigo umano siya kapalit ng pera at mga scholarship para sa kanyang mga anak.
Nauna namang inakusahan ni Lacson si Marcoleta ng “coaching” kay Guteza sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee noong Setyembre 23 ng nakaraang taon. Ayon kay Lacson, ginabayan umano ni Marcoleta si Guteza sa sasabihin nito sa kanyang affidavit.
Nanawagan din si Lacson ng mas mahigpit na pagpapatupad ng Republic Act No. 11594, na nag-amyenda sa Revised Penal Code upang pataasin ang parusa sa perjury.
Sa ilalim ng Article 183 ng Revised Penal Code, na inamyendahan ng RA 11594, ang perjury ay may parusang prision mayor sa minimum period nito, o pagkakakulong ng anim na taon at isang araw hanggang walong taon, at multang P1 milyon.
Kung public officer o empleyado ng gobyerno ang nagkasala, maaaring umabot sa 12 taon ang pinakamataas na pagkakakulong, bukod sa perpetual absolute disqualification o habambuhay na pagbabawal sa paghawak ng appointive o elective na posisyon sa pamahalaan.
Sinabi ni Lacson na kulang ang pagpapatupad ng inamyendahang batas laban sa perjury.
Ayon din sa kanya, hindi kinakailangang humina ang mga kaso laban sa mga naunang idinawit dahil lamang sa mga recantation.

