Calendar
BI inaresto nagpapanggap na Pilipino
ALINSUNOD sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Romualdez Marcos Jr. na palakasin ang seguridad sa hangganan at pangalagaan ang integridad ng mga sistema ng pamahalaan, inaresto ng Bureau of Immigration (BI) Intelligence Division ang isang 33-taong gulang na Chinese national na umano’y nagkunwaring Pilipino.
Kinilala ng BI ang suspek sa alyas na “Lin”, isang Chinese national, na dinakip ng mga operatiba ng BI Intelligence Division noong Agosto 7 sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 1 matapos dumating mula China sakay ng Xiamen Airlines flight.
Batay sa nakalap na impormasyon ng BI, natukoy ang naturang babae bilang parehong indibidwal na gumagamit ng pagkakakilanlang Pilipino sa pangalang “Lin”. Sa isinagawang beripikasyon, nakumpirma ng mga operatiba ang kanyang tunay na identidad sa pamamagitan ng pasaporteng Tsino na naglalaman ng kanyang tunay na pangalan.
Si “Lin” ay inaresto dahil sa umano’y maling representasyon at pandaraya na labag sa batas ng imigrasyon ng Pilipinas, at itinuturing na isang hindi kanais-nais na dayuhan.
Pinuri ni BI Commissioner Joel Anthony Viado ang mga operatiba sa kanilang mabilis na aksyon at mahusay na intelihensiya sa pagtuklas ng paggamit ng huwad na identidad ng isang banyaga.
“Ang pagpapanggap bilang Pilipino ay hindi simpleng paglabag sa imigrasyon—ito ay seryosong banta sa integridad ng ating identidad at mga sistema ng pamahalaan. Patuloy naming hahabulin ang mga banyagang nagtatangkang abusuhin ang mga sistemang ito. Kung magpapanggap kang Pilipino, matutuklasan ka namin, ilalantad ang panlilinlang, at pananagutin ka sa ilalim ng batas ng Pilipinas,” ani Viado.
“Ipinapakita rin ng kasong ito kung bakit mahalaga ang intelligence-driven enforcement. Tahimik na nagtatrabaho ang aming mga operatiba upang tukuyin ang mga iregularidad, beripikahin ang mga identidad, at kumilos bago pa magamit ang mga huwad na identidad,” dagdag pa niya.
Kasalukuyang nasa kustodiya ng BI si alias “Lin” at mananatili sa holding facility habang nahaharap sa kasong deportasyon.

