Map

Kalagayan ng OFWs sa Black Sea mino-monitor matapos ang drone attacks

Jun I Legaspi Aug 23, 2026
50 Views

PATULOY na minomonitor ng Department of Migrant Workers (DMW) ang kalagayan ng mga overseas Filipino workers (OFWs) na sakay ng mga barko sa Black Sea matapos ang ulat ng drone attacks malapit sa Novorossiysk, Russia.

Noong Agosto 22, 2026, nakatanggap ng kumpirmasyon ang DMW mula sa principal o shipowner, sa pamamagitan ng lisensyadong manning agency, na ligtas ang lahat ng 17 Pilipinong tripulante ng M/V Anna S.

Gayundin, nakumpirma ring ligtas at walang nasaktan sa 22 Pilipinong tripulante ng M/V Elina B, na sumaklolo sa crew ng M/V Anna S noong 17 Agosto 2026.

Isang tripulante mula sa M/V Anna S na may karamdaman sa bato ang kasalukuyang nasa ospital sa Turkey para sa patuloy na gamutan at pagsusuri. Siya ay nasa maayos na kondisyon at binabantayan ng nephrology specialist at medical team.

Nagbigay ng agarang tulong ang principal/shipowner sa mga apektadong tripulante. Bawat isa sa 17 marino mula sa M/V Anna S ay nakatanggap ng USD 300 na cash assistance at mobile phone para makapag-ugnayan sa kanilang pamilya. Nagbigay din ng damit, sapatos, toiletries, gamot, at iba pang pangunahing pangangailangan.

Nakikipag-ugnayan ang shipowner sa Embahada ng Pilipinas sa Turkey at sa mga awtoridad ng Turkey para sa mabilis na pagproseso ng travel documents at immigration clearances upang matiyak ang ligtas na pagbaba ng crew mula sa M/V Elina B, na kasalukuyang nakadaong sa Bosphorus Strait, Turkey, at ang kanilang agarang repatriation sa Pilipinas.

“Ang kaligtasan at kapakanan ng ating mga Pilipinong marino ang aming pangunahing prayoridad. Patuloy ang aming koordinasyon sa mga kaukulang ahensya, sa ating Migrant Workers Office, sa Embahada ng Pilipinas, sa shipowner, at sa manning agencies upang matiyak ang kanilang kaligtasan, mabigyan ng kinakailangang tulong, at maisakatuparan ang kanilang ligtas na pagbaba at repatriation. Patuloy naming babantayan ang sitwasyon at susuportahan ang ating mga marino at kanilang pamilya,” ani Secretary Hans Cacdac.