Shooting

Warning ng pamamaril sa Zambales schools fake news, iniimbestigahan na

Christian Supnad Aug 24, 2026
230 Views

IBA, Zambales — Takot, pagkalito at pangamba ang nadama ng mga lokal na residente sa napabalitang nagkaroon ng barilan sa mga paaralan sa San Antonio nitong Lunes ng umaga, na agad pinabulaanan ni Col. Benjamin Ariola, police director.

Ang balitang barilan sa loob ng mga paaralan ay lumitaw matapos mai-post sa social media ng isang netizen ang umano’y magaganap ng shooting.

Agad pinauwi ng mga guro ang mga estudyante sa takot na may masaktan.

Agad na pinaimbestigahan ni Col. Ariola ang umano’y babala ng pamamaril na lumitaw na fake news.

Ayon kay Col. Ariola, bandang 2 p.m. ng Lunes nang rumesponde sina PSMS Manuel M Merano at PSMS Ely D Dagan, kasama ang personnel ng San Antonio MPS para magsagawa ng inquiry tungkol sa napabalitang planong pamamaril sa mga paaralan sa naturang municipalidad.

Napag-alaman ng pulis na ang ugat ng balita ay mula sa Facebook account holder na deactivated na ngayon.

“Considering that verification was already sent to the RACU3, complaint for violation of Art. 154, RPC in relation to RA 10175 (Cybercrime Prevention Act) will be prepared for filing against the said personality once the results of the said verification was received,” ayon sa Zambales police.