Dy

Speaker Dy nanawagan ng ‘moral recovery’ sa Kamara

Mar Rodriguez Aug 24, 2026
133 Views

NANANAWAGAN House Speaker Faustino “Bojie” G. Dy III ng “moral recovery” sa Kamara de Representantes bilang pundasyon ng tinaguriang “Bagong Kongreso.”

Ayon kay Speaker Dy sa kanyang speech sa Mass of the Holy Spirit, hindi lang dapat masukat ang tagumpay ng Kongreso sa dami ng mga batas na naipapasa kundi sa kakayahang magkaroon ng mas mabubuting lingkod-bayan para maibalik ang tiwala ng mga Pilipino sa institusyon.

“Ang isang tunay na Bagong Kongreso ay dapat magsimula sa moral na pagbabago at hindi lamang dapat nakabatay ang ating pamantayan sa dami ng batas na naipapasa natin kundi kung nagiging mas mabuting lingkod-bayan tayo,” pahayag ni Dy.

Ang pagiging mambabatas ay hindi lamang tungkol sa paggawa ng mga batas, kundi sa pagkakaroon ng paninindigan na piliin ang tama, integridad at kapakanan ng nakararami kaysa pansariling interes.

Ayon sa Speaker, darating ang mga pagkakataong hindi magiging pinakamadali ang tamang desisyon, lalo na sa gitna ng mga hindi pagkakasundo, ingay at kawalan ng katiyakan sa politika.

Sa ganitong mga sitwasyon, sabi pa ni Speaker Dy, kailangang pairalin ng mga mambabatas ang kanilang konsensya, tapang at pananalig.

Dumalo sa misa si Apostolic Nuncio to the Philippines Most Rev. Charles John Brown, D.D.; Bishop Emeritus of Novaliches Most Rev. Teodoro C. Bacani Jr., D.D.; mga miyembro ng Kamara at mga pari mula sa iba’t ibang dioceses, kabilang ang Diocese of Ilagan.

Muling binigyang-diin din ng Speaker na ang bawat batas, pambansang badyet at desisyong ginagawa ng Kongreso ay may direktang epekto sa buhay ng milyun-milyong Pilipino.

“Sa likod ng bawat batas na ipinapasa natin, bawat badyet na inaaprubahan at bawat desisyong ginagawa natin ay ang kapakanan ng milyun-milyong Pilipino. Kaya kailangan nating matutong magsalita, ngunit kailangan din nating makinig; matutong mamuno, ngunit higit sa lahat ay matutong maglingkod,” ani Dy.

Mula nang maupo bilang Speaker, sinabi ni Speaker Dy na patuloy na nakikiisa ang mga obispo at pari mula sa iba’t ibang diyosesis sa mga miyembro at empleyado ng House of Representatives sa pamamagitan ng **Spiritual and Moral Enhancement Program**.

Layunin nitong magbigay ng espirituwal na gabay at lakas sa mga lingkod-bayan habang humaharap sila sa mga hamon at mahihirap na desisyon sa kanilang tungkulin.

Iginiit naman ni Dy na ang konsepto ng “Bagong Kongreso” ay hindi nakasalalay sa isang Speaker lamang, kundi sa sama-samang pananagutan ng lahat ng mambabatas.