Lacson sinuri epekto ng dagdag-pondo sa AMLC; P125M ginamit sa AI, training

38 Views

KWINESTYON ni Sen. Panfilo “Ping” Lacson kung bakit napalakas ng dagdag na P162.9 milyon sa 2026 budget ang kakayahan ng Anti-Money Laundering Council (AMLC).

Kasabay into, sinabi ni AMLC Chairman Eli Remolona Jr. na P125 milyon ang inilaan sa artificial intelligence (AI) at capacity building.

Sa briefing ng Development Budget Coordination Committee para sa panukalang 2027 national budget, hiningi ni Lacson ang resulta ng dagdag na pondong naibigay sa AMLC matapos ang budget deliberations noong nakaraang taon.

“Sa exercise na lang ng oversight namin, nasaan na tayo ngayon sa naitulong naming kaunting halaga na P162M? Nag-improve ba capacity ng AMLC?” tanong ni Lacson.

“Absolutely,” sagot ni Remolona, na governor din ng Bangko Sentral ng Pilipinas.

“Ang P125 million, napunta yan sa AI; tapos ang capacity building. Kailangan din ng mga experts sa paggamit ng AI. So gamit na gamit po ang budget na ‘yan,” ani Remolona.

Noong nakaraang taon, humiling ang AMLC ng P333.1 milyon para sa 2026 ngunit P170.161 milyon lamang ang nakalaan dito sa National Expenditure Program (NEP).

Kasunod ng rekomendasyon ni Lacson na dagdagan ang pondo, ibinalik ng Senate Committee on Finance sa P333 milyon ang panukalang budget ng AMLC sa bersyon ng Senado.

Noong Setyembre 2025, sinabi ni Lacson na kailangan ng AMLC ng mas malaking pondo habang sinusuri ng Senado ang malalaking cash transactions na lumitaw sa pagdinig tungkol sa mga flood control project.

Binanggit noon ni Lacson ang kaso ni contractor Sally Santos, may-ari ng Syms Construction, na ayon sa testimonya ay nag-withdraw ng P457 milyon na cash sa mga transaksyong ginawa noong Marso at Abril 2025 sa loob ng siyam na araw at nagdala ng pera kay dating Public Works engineer Brice Hernandez.

Ginamit ni Lacson ang mga naturang transaksyon upang kuwestiyunin noon kung sapat ang pondo at kakayahan ng AMLC na matugunan ang malalaking cash movements na lumilitaw sa mga imbestigasyon.