Safeguards sa mga paaralan itinulak ni Villar

31 Views

MULING isinusulong ni Sen. Camille Villar ang panukalang Safe Online Spaces Act upang palakasin ang proteksiyon ng mga bata sa digital platforms kasunod ng magkakasunod na insidente ng karahasan na kinasasangkutan ng mga estudyante.

Sa Senate Bill No. 1729, nais ni Villar na magtakda ng mga hakbang para sa responsableng paggamit ng social media, gaming at iba pang digital platforms, kabilang ang mga babala tungkol sa mga online environment na maaaring makasama at isang programa para ipaalam sa mga magulang ang mga panganib ng walang limitasyong access ng mga bata sa digital platforms.

“Our children should never have to enter their classrooms wondering whether they will come home safely,” ani Villar.

Iniugnay ni Villar ang panibagong pagtutulak sa panukala sa pangangailangang protektahan ang mga bata kapwa sa paaralan at online.

Co-author din si Villar ng Senate Bill No. 2424, na naglalayong magtakda ng minimum age para sa paggamit ng social media at mag-regulate ng access ng mga bata sa social media platforms.

Inisponsoran ni Senador Robinhood Padilla ang panukala sa plenaryo ng Senado noong Martes kasunod ang panawagan ni Villar ng pamamaril sa Ateneo de Zamboanga University noong Agosto 18, kung saan isang estudyante ang napatay ng kapwa estudyante bago binawian ng sariling buhay ang gunman. Iniulat na nai-livestream ang insidente.

Bukod sa mga panukalang may kinalaman sa online safety, nanawagan si Villar para sa mas mahigpit na seguridad at paghahanda sa emergency sa mga paaralan, mas madaling makuhang mental health at guidance services, maagang pagtugon sa bullying at marahas na asal, at mga hakbang upang hindi magkaroon ng access ang mga menor de edad sa baril at iba pang mapanganib na armas.

“As a mother and as a legislator, I will continue pushing for measures that protect our children wherever they are—offline and online,” ani Villar.