Calendar
BARBERS: PROSECUTOR NA LALABAG SA SUB JUDICE RULE, DAPAT PANAGUTIN
IGINIGIIT ni Surigao del Norte 2nd District Representative at ngayo’y spokesperson at adviser ng House Impeachment Team na si Robert Ace S. Barbers na dapat personal na managot ang sinumang miyembro ng prosecution team na lalabag sa “sub judice rule” ng Senate Impeachment Court kabilang ang posibleng parusa o administrative sanctions.
Ayon kay Barbers, dapat magsilbing malinaw na paalala sa lahat ng sangkot sa impeachment proceedings ang naging ruling ni Presiding Officer Sen. Francis “Chiz” Escudero hinggil sa “Rule 18” upang maging mas maingat sa kanilang mga pahayag sa publiko at mga post sa social media.
Ipinaliwanag ni Barbers na sa ilalim ng Rule 18, ang mga argumento tungkol sa kaso ay dapat ilahad sa loob ng impeachment court at hindi sa “court of public opinion.”
Saklaw din umano ng naturang restriksyon, ayon pa kay Barbers, si Vice President Sara Z. Duterte at ang mga testigo partikular na pinaalalahanan ni Escudero ang defense team ni Duterte na naaangkop din ang naturang patakaran sa respondent.
“Well, I’m sure nung lumabas yung ruling na yan ng ating presiding officer, lahat mag-iingat na. At kung sino magkamali, siya magbabayad,” ayon kay Barbers.
Binigyang-diin pa ni Barbers na kung isang miyembro lamang ng prosecution ang lalabag sa patakaran, hindi dapat awtomatikong iugnay ang paglabag sa buong panel.
“Once you violate that, that is of your own doing. Wala namang kinalaman yung buong panel,” pahayag nito.
Sinabi pa ng dating kongresista na malinaw sa ruling ang mga posibleng kahihinatnan ng paglabag para sa unang offense, maaaring patawan ng reprimand, habang ang mga susunod na paglabag ay maaaring pagmultahin ng ₱30,000 bawat paglabag.
Para naman sa mga abogado, maaaring i-refer ng korte ang paglabag sa Integrated Bar of the Philippines (IBP) at sa “Supreme Court” para sa posibleng disciplinary action.
Maaari rin umanong magpatupad ang korte ng mga restriksyon sa paglahok sa proceedings ng abogado o partidong lumabag sa patakaran.
Bilang spokesperson ng prosecution panel, nilinaw ni Barbers na iba ang kanyang tungkulin sa mga abogado na direktang humahawak sa kaso.
Ayon pa kay Barbers, pangunahing responsibilidad niya ang pakikipag-ugnayan sa media hinggil sa impeachment proceedings at pagbibigay ng impormasyong maaari namang talakayin sa publiko nang hindi nalalabag ang mga panuntunan ng impeachment court.
“Kasi ang aming objective is to inform and educate the public of what’s happening inside the trial court,” ani Barbers.
Ipinaliwanag nito na mahalaga ang papel ng media communications dahil maaaring maging teknikal ang mga usaping legal at procedural sa impeachment proceedings.
Layunin umano ng prosecution communications team na gawing mas madaling maunawaan ng ordinaryong Pilipino ang mga nangyayari sa impeachment court, habang tinitiyak na hindi nalalabag ang mga limitasyon sa ilalim ng sub judice rule.
Tinalakay rin ni Barbers ang mga pagkakataong may ilang senator-judge na tila nagiging masyadong aktibo o lumalabas na kumakampi sa prosecution o defense.
“Yung punto na some appears to be lawyering for either of the prosecution and defense camps, maybe, perhaps, the presiding officer can call their attention if indeed there are some senator-judges who goes overboard,” ani Barbers.
To God be the Glory

