Rep. Acidre

ACIDRE NANAWAGAN NG MAS MATAAS NA FHE REIMBURSEMENT, MAKATOTOHANANG TUITION RATE SA MGA SUC

Mar Rodriguez Aug 28, 2026
98 Views

NANANAWAGAN si TINGOG Party List Rep. Jude A. Acidre ng mas mataas na reimbursement mula sa pamahalaan para sa “Free Higher Education (FHE) program” kasabay ng panukalang repasuhin ang mga tuition rate sa State Universities and Colleges (SUCs) upang matiyak na sapat ang kanilang pondo para sa de-kalidad na edukasyon.

Inihayag ni Acidre, Chairman ng House Committee on Higher and Technical Education, ang panawagan sa pagdinig ng House Committee on Appropriations noong Huwebes kaugnay ng panukalang 2027 budget ng Commission on Higher Education (CHED).

Binigyang-diin ni Acidre na ang pagrerepaso sa tuition rates ng mga SUC ay hindi nangangahulugang dagdag-singil sa mga estudyante. Sa ilalim aniya ng libreng higher education program, dapat pamahalaan pa rin ang sasagot sa anumang pagtaas sa halagang ire-reimburse sa mga SUC.

“Pwede ba natin lahat pag-aralan na i-akyat sa ₱200 per unit, and uniform at the very least? Lilinawin ko lang po, hindi ko inaasahan na ipapasa ito sa mga estudyante kasi malinaw po yung batas under free higher education. Dapat gobyerno din ang magre-reimburse nito,” sabi ni Acidre.

Lumabas sa pagdinig na malaki ang pagkakaiba ng tuition rates sa mga SUC sa buong bansa.

Ayon kay CHED Chairperson Shirley Agrupis, may limang SUC na naniningil pa rin ng ₱50 kada unit, habang 32 SUC ang nasa ₱51 hanggang ₱100 kada unit.

Mayroon namang 57 SUC na naniningil ng ₱101 hanggang ₱200 kada unit, 14 na nasa ₱200 hanggang ₱300, at limang SUC na umaabot sa ₱400 hanggang ₱1,000 kada unit.

Sinabi ni Agrupis na batay sa isang pag-aaral na ipinagawa ng CHED, nasa humigit-kumulang **₱500 kada unit** ang kinakailangang tuition rate kung ganap na paghaharmonahin ang singil sa mga SUC.

Gayunman, mangangailangan ito ng tinatayang ₱136 bilyon na karagdagang pondo mula sa pamahalaan.

Dahil sa limitasyon sa pondo, pinag-aaralan din ng CHED ang mas unti-unting adjustment sa tuition rate.

Isa sa mga opsyon ay gawing pare-parehong ₱200 kada unit ang tuition sa mga SUC na kasalukuyang naniningil nang mas mababa rito.

Ayon kay Agrupis, aabot sa tinatayang ₱11.5 bilyon ang kakailanganing pondo batay sa 21 units.

May nakalaan nang humigit-kumulang ₱9.1 bilyon, kaya kakailanganin pa ng karagdagang ₱2.4 bilyon mula sa pamahalaan.

Sa naturang computation, tinatayang 94 sa 113 SUC ang makikinabang.

Para kay Acidre, higit pa sa tuition rate ang kailangang pagtuunan ng pansin.

Ayon sa kongresista, dapat mas maging makatotohanan ang halagang ibinabalik ng pamahalaan sa mga SUC upang mas maipakita nito ang aktuwal na gastos ng mga institusyon sa pagbibigay ng edukasyon sa mga estudyante.

Mahalaga umano ito dahil marami sa mga SUC ang nakararanas ng kakulangan sa classrooms, faculty, kagamitan at iba pang pasilidad.

Lumilitaw na rin ang problema sa kapasidad ng mga paaralan. Iniulat ng CHED sa budget hearing na 68 porsiyento ng 541 SUC at campuses na isinama sa kanilang paunang simulation ang lumampas sa tinatayang enrollment capacity.

Itinuro rin ni Acidre ang inaasahang ₱28 bilyong funding deficiency sa ilalim ng Universal Access to Quality Tertiary Education Act (UAQTEA).

Babala ni Acidre, kung magpapatuloy ang kakulangan sa pondo, maaaring mapilitan ang ilang SUC na limitahan ang kanilang admissions batay sa kapasidad at resources na mayroon sila.

Iginiit ni Acidre na ang pagpapanatili ng libreng higher education ay hindi lamang nangangahulugan na walang tuition na babayaran ang mga estudyante.

To God be the Glory