Bam

Bam itinulak alisin ang VAT sa residential electricity para mapababa ang power bills

47 Views

HINILING ni Sen. Paolo Benigno “Bam” Aquino IV sa pamahalaan na pag-aralan ang pag-aalis ng 12 porsiyentong value-added tax sa residential electricity bilang paraan para mabawasan ang singil sa kuryente ng mga kabahayan.

Iniharap ni Aquino ang panukala sa Development Budget Coordination Committee briefing habang tinatalakay ang mga hakbang para maibsan ang gastos sa kuryente, kabilang ang system loss charges na ipinapasa sa consumers.

“Kung tatanggalin po iyong VAT sa kuryente ng mga residential–hindi po mga negosyo, mga factory, but just residential, this could mean a bigger drop in the electricity bill of our citizens,” sinabi ni Aquino sa economic managers.

May nakahain nang Senate Bill No. 266 si Aquino na naglalayong gawing VAT-exempt ang pagbebenta ng kuryente ng generation, transmission at distribution companies at electric cooperatives.

Mas malawak ang saklaw ng SBN 266 kaysa sa residential-only proposal na iniharap niya sa DBCC briefing dahil hindi limitado sa household consumers ang VAT exemption na nakasaad sa panukala.

Tinalakay na rin ng Senate Committee on Ways and Means noong Mayo ang SBN 266 kasama ang iba pang panukalang may kaugnayan sa buwis at system loss charges sa electricity bills.

“Iyong VAT on electricity is 12 percent right away from the electricity bill. Baka this is something we can also look at,” ani Aquino.

May hiwalay ding hakbang ang Energy Regulatory Commission kaugnay ng VAT na ipinapataw sa allowable system loss charge.

Noong Agosto 26, inaprubahan ng ERC ang Resolution No. 26, Series of 2026, na nagsasabing ang allowable system loss charge ay government-mandated pass-through cost at hindi dapat isama sa gross sales na pinapatawan ng VAT.

Ayon sa ERC, ipatutupad ang exclusion matapos mailathala ang resolution at magkaroon ng kaukulang confirmatory issuance mula sa Bureau of Internal Revenue.

Hindi inaalis ng ERC resolution ang mismong system loss charge. Ang saklaw nito ay ang VAT na ipinapataw sa allowable system loss charge.

Ang system loss ay tumutukoy sa kuryenteng nawawala sa distribution system bago makarating sa end-users dahil sa technical losses sa mga linya at kagamitan at non-technical losses gaya ng pilferage, illegal connections at meter tampering.

Sa ilalim ng ERC rules, tanging system losses na pasok sa itinakdang cap ang maaaring ipasa sa consumers. Ang losses na lampas sa limitasyon ay dapat sagutin ng distribution utility.

Sa mga naunang talakayan sa Senado, tinatayang nasa 5 hanggang 6 porsiyento ng kabuuang Meralco bill ang system loss charge.

Bukod sa SBN 266, inihain din ni Aquino ang Senate Bill No. 2047 o VAT Reduction Act, na naglalayong ibaba mula 12 porsiyento sa 10 porsiyento ang VAT rate sa mga goods at services na sakop nito.

Ang magiging aktuwal na bawas sa residential electricity bills sa ilalim ng panukala ni Aquino ay nakasalalay sa pinal na saklaw ng VAT exemption at sa bersiyong maaaprubahan ng Kongreso.