Calendar
Ika-50 taon ng PH Taekwondo Association binigyang pugay ng Senado
KINILALA ng Senado ang ika-50 taon ng Philippine Taekwondo Association (PTA) mula sa pagkakatatag nito noong 1976 at nagsisilbing national governing body ng taekwondo sa Pilipinas.
Itinaguyod ni Senate Majority Leader Juan Miguel “Migz” Zubiri ang Senate Resolution No. 619 bilang pagkilala sa limang dekadang pagpapaunlad ng PTA sa sport mula grassroots training hanggang sa mga international competitions.
Ang PTA ay kinikilala ng World Taekwondo at Philippine Olympic Committee bilang national federation ng sport sa Pilipinas.
Nakakuha si Zubiri ng black belt sa taekwondo noong siya ay 14 anyos.
“We do not just develop champions through martial arts. We build character, we build confidence, we teach our young people how to win with grace, how to lose with respect, and how to stand up again when they fall,” ani Zubiri.
Ayon sa senador, ang mga aral sa dojang, o training hall ng taekwondo, ay nadadala ng mga practitioner kahit matapos ang kanilang pagsasanay.
Nag-co-sponsor din ng resolusyon si Sen. Christopher Lawrence “Bong” Go, chairperson ng Senate Committee on Sports.
Kabilang sa mga pagpapahalagang itinuturo ng taekwondo ang disiplina, perseverance, integrity at respect, ayon kay Go.
“It is a way of life that teaches discipline, perseverance, integrity, and respect—values that are especially important in today’s generation,” ani Go.
Nauna nang ipinagdiwang ng PTA ang golden anniversary nito noong Agosto sa Pasay City.
Bilang bahagi ng ika-50 taong anibersaryo, sinimulan ng Philippine Sports Commission at PTA ang proyekto para sa National Taekwondo Center sa Rizal Memorial Sports Complex sa Maynila.
Ayon sa PTA, layunin ng pasilidad na magsilbing sentro para sa pagsasanay at pagpapaunlad ng mga atleta.
Nanawagan si Go para sa patuloy na pagpapalawak ng grassroots sports programs upang mas maraming kabataan ang magkaroon ng pagkakataong makilahok sa sports.

