Calendar
Madrona nakipagpulong sa mga lokal na opisyal ng Romblon
NAGSAGAWA ng “courtesy visit” kay Romblon Lone District Rep. Eleandro Jesus “Budoy” F. Madrona ang mga bise alkalde mula sa kanilang lalawigan bilang bahagi ng patuloy na pakikipag-ugnayan at koordinasyon para sa kapakanan at pag-unlad ng kanilang mga nasasakupan.
Kabilang sa bumisita sina Ferrol Vice Mayor Hon. Joenan S. Sarmiento, Sta. Fe Vice Mayor Hon. Cean Punzalan-Del Prado, at San Jose Vice Mayor Hon. Ghel Zacarias-Fortunato.
Naging pagkakataon ang kanilang pagbisita para sa isang kamustahan at pagpapalitan ng pananaw hinggil sa mahahalagang usapin sa kani-kanilang mga bayan, gayundin sa mga programa at serbisyong patuloy na isinusulong para sa mga mamamayan.
Mahalaga, ayon kay Madrona, ang ganitong ugnayan sa pagitan ng mga lokal na lider at ng kanyang tanggapan upang mapalakas ang koordinasyon at pagtutulungan sa pagtugon sa mga pangangailangan ng mga komunidad.
Samantala, naging bahagi rin ng talakayan ang mga kinatawan ng Robocare Solutions Inc., sa pangunguna ng kanilang Chairman na si Simon Rodriguez, kasama sina Kurt Chan at Dr. Kelvin Chan, isang Rehabilitation Medicine specialist mula sa Chinese General Hospital.
Sinabi ng kongresista na tinalakay sa pagpupulong ang mga makabagong pamamaraan sa rehabilitasyon, kabilang ang robotic-assisted physical therapy, na maaaring makatulong upang higit na mapalawak at mapabuti ang access sa mga serbisyong pang-physical therapy para sa mga nangangailangan nito.
Ayon kay Madrona, layunin ng naturang inisyatiba na tuklasin ang mga makabagong teknolohiya at solusyon na maaaring maiangkop sa mga pangangailangan ng mga komunidad, partikular sa larangan ng kalusugan at rehabilitasyon.
Patuloy naman ang pakikipag-ugnayan ng tanggapan ni Cong. Madrona sa mga lokal na pamahalaan at mga pribadong sektor upang maisulong ang mga programang makatutulong sa kalusugan, kapakanan, at patuloy na pag-unlad ng mga Romblomanon.
