Bataan

Oplan kontra baha task force binuo sa Bataan

Christian Supnad Sep 4, 2026
409 Views

THE BUNKER, Bataan–Itinatag noong Huwebes sa lalawigang ito ang Oplan kontra baha task force na pamumunuan ng Department of Public Works and Highways (DPWH) upang tugunan ang pagbaha at tingnan ang kalagayan ng mga flood control projects.

Sinabi ni Gov. Joet Garcia na ang hakbang na ito ay upang mas mabigyan ng pangmatagalang solusyon ang matinding pagbaha sa iba’t-ibang bahagi ng lalawigan.

Kasama sina Congw. Gila Garcia, DPWH Usec. Charles Calima Jr., DPWH district engineer Roland Rainier Victorino ng DPWH-2nd engineering district, mga mayor at kinatawan ng bawat yunit at iba’t-ibang ahensya tulad ng Department of Environment of Natural Resources (DENR) at National Irrigation Administration (NIA), tinalakay ang sanhi ng pagbaha, kalagayan ng mga flood control projects at mga plano sa dredging.

Binigyang-diin nila ang pangangailangan ng isang integrated solution na pinagsasama ang hard infrastructure, nature-based solutions tulad ng reforestation at maayos na paglilinis at pagpapalalim ng mga waterways upang mas mabilis na makalabas ang tubig patungong Manila Bay.

“Inaasahan po natin ang pakikiisa at commitment ng lahat ng mga tanggapan ng pamahalaan maging ng ating mga kababayan dahil ang suliranin ng pagbaha ay hindi kayang lutasin ng iisang ahensya lamang,” ani Gov. Garcia.

Sinabi ni Mayor Ann Inton ng Hermosa na “mahalaga ang ganitong mga pagpupulong upang maunawaan ang mga sanhi ng pagbaha at makapagtatag ng mga konkreto, pangmatagalan, at mas epektibong solusyon sa mga pagbaha.”

Nakatakda namang magsasagawa ng workshop para sa mga kinatawan ng Municipal/City Disaster Risk Reduction and Management Offices at Municipal/City Engineer’s Office.