Calendar
P141M Kush nasamsam sa NAIA 3 ng BOC-NAIA agents
ANG Bureau of Customs-Ninoy Aquino International Airport (BOC-NAIA) ay nag-turn over sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ng 8 abandonadong luggage na naglalaman ng tinatayang 94.597 kilo ng Kush na may halagang P141.895 milyon.
Ang operasyon ay isinagawa bilang suporta sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na palakasin ang kampanya laban sa ilegal na droga.
Ang mga bagahe ay sumailalim sa PDEA K9 inspection sa Interline Baggage Room ng NAIA Terminal 3 at nakitaan ng indikasyon ng posibleng ilegal na droga.
Nakita rin ang kahina-hinalang imahe sa X-ray screening na nagsa-suggest ng pagsusuri at kalaunan ay pormal na inilipat sa PDEA.
Ang operasyon ay naisakatuparan sa pagtutulungan ng BOC, PDEA, Customs Anti-Illegal Drug Task Force, Customs Intelligence and Investigation Service, Enforcement and Security Service, at NAIA-District Intelligence and Tactical Group.
Binibigyang-diin ni BOC-NAIA District Collector Atty. Maria Yasmin Obillos-Mapa ang patuloy na pagbabantay ng Port laban sa ilegal na droga.
“Patuloy naming palalakasin ang aming border controls at makikipagtulungan sa aming mga katuwang na ahensya upang matiyak na hindi makapasok sa ating mga komunidad ang ilegal na droga at iba pang ipinagbabawal na kalakal,” sabi ng opisyal.
Sa pamumuno ni Customs Commissioner Ariel Nepomuceno, nananatiling matatag ang BOC sa pagpapalakas ng border protection at inter-agency coordination habang pinapabilis ang kalakalan at paglalakbay.
