Tulfo

HINDI LAHAT NG BAYANI NAKA-KAPA: 10 PUBLIC SERVANTS PINARANGALAN SA SENADO

17 Views

APAT na guro, tatlong sundalo at tatlong pulis na kinilatis batay sa kabuuan ng kanilang career sa public service ang pinarangalan sa Senado bilang 2026 Metrobank Foundation Outstanding Filipinos.

Sa kanyang co-sponsorship speech para sa Proposed Senate Resolution No. 629, sinabi ni Sen. Erwin Tulfo na hindi lamang isang malaking proyekto o tagumpay ang tinitingnan sa pagpili ng awardees kundi ang buong rekord ng kanilang serbisyo.

“I am aware that this award looks into the totality of the individual’s professional career — from the time of employment to the present — looking into every act, service, and sacrifice, whether big or small, performed by the awardee in the line of duty,” sabi ni Tulfo.

Kabilang sa apat na gurong pinarangalan si Dr. Emmanuel D. Guarde, Master Teacher III ng Cornelio Lintawagin Memorial Elementary School sa Naujan, Oriental Mindoro.

Sa award citation, kinilala si Guarde bilang unang miyembro ng Alangan Mangyan indigenous tribe na nakakuha ng Doctor of Philosophy degree at bilang tagapagtaguyod ng indigenous knowledge at heritage sa kanyang komunidad.

Kasama rin si Engr. Sheila Marie M. Amigo ng Siay National High School sa Zamboanga Sibugay. Ayon sa award citation, binuo niya ang Dynamic Utilization of Learning by Amusement o DULA, isang paraan ng pagtuturo na gumagamit ng paglalaro upang mas mapalapit sa mga estudyante ang science.

Pinarangalan din sina Dr. Cecilia O. Bucayong ng Central Mindanao University para sa kanyang trabaho sa physics education at 3D instructional apparatus, at Dr. Jefferson A. Hora ng Mindanao State University-Iligan Institute of Technology para sa kanyang ambag sa engineering education, research at microelectronics.

Tatlong miyembro naman ng sandatahang lakas ang kabilang sa awardees.

Kinilala si Staff Sgt. Joebelle O. Cerdinio ng Philippine Army matapos siyang magtatag, ayon sa award citation, ng unified radio network na sumasaklaw sa 16 munisipalidad sa Zamboanga Peninsula upang palakasin ang komunikasyon at emergency response.

Isa rin sa pinarangalan si Staff Sgt. John Daren P. Noche ng Philippine Air Force, na ayon sa kanyang citation ay natutong mag-program nang mag-isa at gumawa ng digital systems para sa personnel accountability, armory management at mission risk assessment.

Ayon din sa citation, nakatulong ang mga sistemang ginawa ni Noche upang gawing mas ligtas at mas episyente ang ilang operasyon ng Air Force.

Kasama rin si Lt. Col. Rommel M. Geli ng Philippine Marine Corps, na kinilala para sa kanyang trabaho sa territorial defense at peacebuilding, kabilang ang mga lugar na may kaugnayan sa West Philippine Sea at Kalayaan Island Group.

Tatlong pulis ang kumumpleto sa 10 awardees.

Kinilala si Police M/Sgt. Dwight Alexis Supsupin para sa mga community-policing initiatives sa Cordillera; si Police Maj. Baby Rose P. Cajulao para sa community empowerment programs kabilang ang Project Manang BIDAY; at si Police Lt. Col. Robert R. Mansueto para sa pagbuo ng digital systems para sa road safety at barangay records.

Ayon sa Metrobank Foundation, kailangang may hindi bababa sa 10 taon sa active service ang mga kwalipikadong nominee, bukod sa iba pang performance at eligibility requirements.

Nagsimula ang recognition program para sa mga guro noong 1985, kalauna’y pinalawak sa mga sundalo at pulis, at pinagsama sa Metrobank Foundation Outstanding Filipinos program noong 2017.

Sa pagtatapos ng kanyang talumpati, sinang-ayunan ni Tulfo ang mensahe ni Sen. Panfilo “Ping” Lacson tungkol sa mga public servant na gumagawa ng pagbabago kahit wala sa pinakamataas na posisyon.

“Sometimes they wear government IDs,” sabi ni Tulfo.

“Maraming salamat sa dedikasyon na ibinigay ninyo para sa ating bansa,” dagdag niya.