Zubiri

Pagpayag ng Senado sa Global Fund for Responding to Loss and Damage itinulak ni Zubiri

122 Views

ISINUSULONG ni Senate Majority Leader Juan Miguel “Migz” Zubiri ang Senate concurrence sa kasunduang nagtatakda ng privileges and immunities ng Board ng Global Fund for Responding to Loss and Damage.

Si Zubiri ang nag-sponsor sa plenaryo noong Setyembre 9 ng Proposed Senate Resolution No. 642 para sa kasunduan. Nilagdaan ni Sen. Alan Peter Cayetano at iba pang senador ang Committee Report No. 97.

“Let us support these treaties and let us not get left behind,” sabi ni Zubiri.

Isinulong ng senador ang anim na international agreements na may kinalaman sa climate-related loss and damage, maritime search and rescue at nuclear safety at liability.

Ang kasunduan ay bahagi ng legal framework para sa pagho-host ng Pilipinas sa Board ng Fund for Responding to Loss and Damage na itinatag upang tumulong sa developing countries na lubhang bulnerable sa epekto ng climate change.

Napili ang Pilipinas noong 2024 bilang host country ng Board matapos makipagpaligsahan sa pito pang bansa. Nilagdaan ng Pilipinas at ng Board ang Host Country Agreement noong Nobyembre 2024.

Kasabay ng pagsuporta sa kasunduan, sinabi ni Cayetano na kailangan ding palakasin ang disaster rehabilitation at management sa bansa.

“We have to seriously address this ‘new normal’ of extreme weather in the country. Magaling na tayo sa relief programs, pero sa rehabilitation at disaster management, mahina pa,” dagdag ni Cayetano.

Ang Fund ay maaaring tumulong sa pagharap sa economic at non-economic losses mula sa extreme weather at slow-onset climate impacts, kabilang ang recovery, reconstruction, rehabilitation, displacement at relocation.

Nanguna ang Pilipinas sa 2025 WorldRiskIndex sa ikaapat na magkakasunod na taon. Samantala, ayon sa PAGASA, umiiral ang moderate-to-strong El Niño na maaaring umabot sa very strong intensity bago matapos ang 2026.

Noong Marso 2026, umabot sa mahigit $822 milyon ang pledges sa Fund mula sa 27 partners. May $250 milyon ding inilaan para sa initial funding phase nito para sa 2025-2026.

Isinusulong din ni Cayetano ang Senate Bill No. 105 o proposed Emergency Response Department Act, na naglalayong magtatag ng hiwalay na kagawaran para sa disaster preparedness, response, recovery at rehabilitation.