5 minuto ilalaan sa opening statement ng bawat ex-SC justice sa conviction threshold

95 Views

TIG-LIMANG minuto ang ilalaan sa opening statement ng bawat dating mahistrado na magsasalita tungkol sa pinagtatalunang conviction threshold sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte, ayon sa impeachment court spokesman.

Sinabi ni Atty. Reginald Tongol sa DWIZ na nakatakdang dinggin sa Setyembre 16 ang mga amici curiae o friends of the court na inimbitahang magbigay ng pananaw sa mga usaping legal.

Tinanong si Tongol kung ang impeachment court o ang Supreme Court ang dapat magpasya sa voting threshold at kung maaaring bumoto ang mga senator-judge na hindi nakadalo sa trial.

Sinabi niyang maaaring talakayin ng mga amici curiae ang mga isyu sa kanilang opening statements. Kung hindi, maaari itong itanong ng mga senator-judge o ni Presiding Officer Francis “Chiz” Escudero.

Bawat senator-judge ay bibigyan din ng limang minuto upang magtanong. Ayon kay Tongol, maaaring humaba ang talakayan depende sa haba ng mga sagot ng amici.

“Medyo tight po iyong time to question the amicus curiae,” sabi ni Tongol.

Ayon sa mga naunang ulat, ang mga inimbitahan ay sina retired Chief Justices Artemio Panganiban, Reynato Puno at Hilario Davide Jr. at retired Associate Justice Adolf Azcuna.

Magsusumite umano si Davide ng legal memorandum sa halip na personal na dumalo.

Nananatiling umiiral ang ruling ni Escudero na kailangan ang 16 boto upang ma-convict si Duterte. Itinanggi ng kaniyang mga abogado ang mga alegasyon laban sa kaniya.

Nakatakda sa Setyembre 23 ang oral arguments at inaasahang botohan ng mga senator-judge sa apelang kumukuwestiyon sa 16-vote ruling.