BBM

Pagtatanim ng puno pinatututukan ni PBBM

372 Views

PINATUTUKAN ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang pagtatanim ng puno upang maiwasan umano ang mga landslide.

Napansin ni Marcos na kalbo ang bundok sa lugar ng Maguindanao kung saan nagkaroon ng landslide sa pananalasa ng bagyong Paeng.

“Noong nasa helicopter kami ni Maguindanao Governor Bai Mariam, na-notice ko lahat ng gumuho kalbo ang bundok. That’s the problem,” sabi ni Marcos.

“And I was pointing out to the Governor, sabi ko sa kanya: Tingnan mo ‘yung may kahoy hindi gumalaw ‘yung lupa, lahat nung sugat na makita mo sa bundok dahil kalbo,” dagdag pa ng Pangulo.

Ayon kay Maguindanao Governor Bai Mariam Sangki-Mangudadatu nangyari ang landslide sa Barangay Kusiong sa Datu Odin Sinsuat; Barangay Romonggaob at Looy sa South Upi; Barangay Maagabo Bayanga Sur, Upper Bayanga Sur Norte at Kabugaw Sapad sa Matanog.

“So we have to include tree planting in our flood control. Dapat kasama ‘yan. Kung gagastos tayo sa flood control, kailangan may tree planting,” sabi pa ng Pangulo. “So that’s one thing that we need to do. But that one alam na natin ‘yun, we have been hearing this over and over again, pero patuloy pa rin tayo nagpuputol ng kahoy, ‘yan ang nangyayari nagkaka-landslide ng ganyan.”

Nasa 61 ang napaulat na nasawi sa Maguindanao at 17 iba pa ang nawawala sa pananalasa ng bagyong Paeng.