Calendar
Retired Sandiganbayan Presiding Justice Amparo Cabotaje-Tang
JOSEPH MUEGO
Tang itinangging may kapalit ang pagtestigo
DIRETSAHANG itinanggi ni retired Sandiganbayan Presiding Justice Amparo Cabotaje-Tang na may ipinangako o inalok sa kanya kapalit ng pagtestigo para sa prosekusyon sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.
“My testimony is not for sale, sir,” mariing sagot ni Cabotaje-Tang nang tanungin siya ng depensa kung may ipinangakong kapalit sa kanyang testimonya.
“No, sir. And I will never testify if I ever was offered anything material or otherwise,” dagdag niya nang tanungin kung inalok siya ng materyal na pakinabang o posisyon sa gobyerno.
Nang usisain kung inalok siyang maging ambassador, sumagot si Cabotaje-Tang: “No, sir. I am retired and I want to enjoy my retirement.”
Sinabi ni Cabotaje-Tang na ipinaalam sa kanya ni House Prosecutor Cong. Chel Diokno ang mga batas at konseptong may kaugnayan sa Statement of Assets, Liabilities and Net Worth o SALN, ngunit hindi ang mga partikular na tanong na ihaharap sa kanya.
Alam umano niyang ihaharap siya bilang legal expert sa mga batas laban sa katiwalian at mga kaugnay na desisyon ng Korte Suprema.
Sa pagtalakay sa integridad ng mga opisyal ng gobyerno, ikinuwento ni Cabotaje-Tang na minsan siyang tinangkang suhulan habang nagtatrabaho sa Office of the Solicitor General. Pinalabas umano niya ang nag-alok at isinara nang malakas ang pinto.
Wala naman umanong nagtangkang suhulan siya noong nasa Sandiganbayan na siya dahil hindi niya pinahihintulutan ang pagbisita sa kanyang opisina, maging ng mga kamag-anak.
Tinanong ni Senator-Judge Vicente “Tito” Sotto III si Cabotaje-Tang tungkol sa pagtestigo ni dating Ombudsman at Supreme Court Associate Justice Conchita Carpio Morales sa impeachment trial ni dating Chief Justice Renato Corona.
“You’re in good company,” komento ni Sotto.
Tinanong naman ni Senator-Judge Erwin Tulfo si Presiding Officer Sen. Francis “Chiz” Escudero kung dapat igalang sa pagdinig ang mga dating mahistrado.
Sumagot si Escudero na dapat igalang ang lahat ng testigo, ngunit kailangan ding bigyan ng sapat na luwag ang mga abogado upang subukin ang kredibilidad at pagiging maaasahan ng kanilang testimonya.
Inusisa rin ni Tulfo kung nagboluntaryo si Cabotaje-Tang na tumestigo.
Sinabi ni Cabotaje-Tang na hindi siya nagboluntaryo at ipinapalagay niyang napili siya dahil sa kanyang karanasan sa Sandiganbayan at Office of the Solicitor General.
Nagtuturo rin siya sa San Beda College of Law at University of Santo Tomas.
Iniharap ng prosekusyon si Cabotaje-Tang bilang unang testigo sa Article II upang ipaliwanag ang pangkalahatang legal na balangkas sa unexplained wealth, pagdedeklara ng mga ari-arian sa SALN at mga pagbabawal na ipinapataw sa Pangulo at Bise Presidente.
Sa kanyang pagpapaliwanag sa Article VII, Section 6 ng Konstitusyon, sinabi ni Cabotaje-Tang na hindi maaaring tumanggap ang Pangulo at Bise Presidente ng iba pang emolument mula sa gobyerno o anumang ibang pinagmulan habang nanunungkulan, bukod sa opisyal na sahod na itinakda ng batas.
Ipinaliwanag din niya na sa ilalim ng Article VII, Section 13, hindi maaaring direkta o hindi direktang lumahok sa anumang negosyo ang Pangulo, Bise Presidente, mga miyembro ng Gabinete at kanilang mga deputy o assistant.
Hindi rin sila maaaring magkaroon ng pinansiyal na interes sa kontrata sa gobyerno o sa prangkisa o espesyal na pribilehiyong ipinagkaloob nito.
Nilinaw ni Cabotaje-Tang na hindi awtomatikong ilegal ang pagtanggap ng dibidendo mula sa shares. Dapat umanong suriin kung aktuwal na nakikilahok ang opisyal sa negosyo, gaya ng pagiging direktor o opisyal ng korporasyon, at kung may aktuwal o potensyal na conflict of interest.
Sa cross-examination, iginiit ng depensa na dapat tumestigo ang isang testigo batay sa personal na kaalaman at hindi magbigay ng legal conclusions na nakalaan sa mga senator-judge.
Inamin ni Cabotaje-Tang na hindi niya nabasa ang articles of impeachment at hindi niya pinag-aralan ang buong factual record at ebidensya laban kay Duterte.
Nilinaw niyang limitado ang kanyang testimonya sa pangkalahatang legal na mga prinsipyo at hindi sa paglalapat ng mga ito sa mga partikular na alegasyon laban sa Bise Presidente.
Wala rin umano siyang personal na kaalaman tungkol sa sinasabing unexplained wealth ni Duterte o sa alegasyong may real at personal properties, stocks o bonds na hindi idineklara o maling idineklara.
“I have none, absolutely, sir,” sagot niya.
Ang mga abogado ni Vice President Sara Duterte ang kumatawan sa kanya sa impeachment trial.

