Tulfo

Zero cash-on-hand pwede ayon lang sa personal na interpretasyon ni Batu

124 Views

POSIBLENG maglagay ng zero sa cash-on-hand entry ng Statement of Assets, Liabilities and Net Worth kung walang hawak na pera ang isang opisyal noong Disyembre 31, ngunit personal na interpretasyon lamang ito ng testigo ng Office of the Ombudsman.

Nilinaw ni Atty. Karen Batu, officer-in-charge ng Central Records Division ng Ombudsman, na hindi siya eksperto sa SALN at hindi sinusuri ng kanyang yunit kung totoo o kumpleto ang nilalaman ng mga dokumentong isinusumite rito.

Inusisa ni Senator-Judge Erwin Tulfo si Batu tungkol sa saklaw ng kanyang kaalaman sa mga SALN sa ika-25 araw ng impeachment trial ni Vice President Sara Duterte nitong Martes.

“Paano kung at that very moment, wala kang pera habang ginagawa mo ang SALN?” tanong ni Tulfo.

“Puwede naman po talagang mangyari ’yun na kung at the end of the year, December 31, wala ka po talagang hawak na pera sa bahay, puwede po talagang zero ’yung declaration mo,” sagot ni Batu.

“Wala po kasi, kakatapos lang ng Pasko,” pabirong sinabi ni Tulfo.

Ipinaliwanag ni Batu na sa sarili niyang pagkaunawa, ang cash on hand ay perang hawak o madaling magamit ng opisyal—gaya ng nasa bulsa, pitaka o bahay—habang ang cash in bank ay perang nakadeposito sa bangko.

Nauna nang naiulat na walang nakalistang cash on hand at bank deposits sa mga SALN ni Duterte mula 2019 hanggang 2024.

Gayunman, hindi sinabi ni Batu na ang posibilidad ng zero cash declaration ay nagpapatunay na wasto o kumpleto ang mga partikular na SALN ni Duterte.

Nang tanungin ni Tulfo kung malalaman ng Central Records Division kung tama o mali ang isang inihain na SALN, sinabi ni Batu na pagsunod lamang sa mga requirement sa form ang sinusuri ng kanyang yunit.

“Ang masasabi po namin na tama, as to the form lang po. Pero ’yung mga contents po, Your Honor, hindi po namin ’yan nire-review,” ani Batu.

Tinitingnan lamang umano ng kanyang yunit kung tama ang form na ginamit, napirmahan, may petsa at may tamang pagkakasunod-sunod ng mga pahina.

Kung may bahaging walang entry, hindi umano matutukoy ng kanilang yunit kung may dapat talagang ideklara roon o sadyang walang mailalagay ang opisyal.

Sinabi rin ni Batu na hindi niya sinuri ang lahat ng nilalaman ng mga SALN ni Duterte. Tiningnan lamang niya kung sakop ng mga dokumento ang mga taong hinihingi bago isumite ang mga ito.

“So hindi n’yo malalaman because repository lang po kayo?” tanong ni Tulfo.

“Yes po,” sagot ni Batu.

Ayon kay Batu, ang Field Investigation Office ng Ombudsman ang nagsasagawa ng fact-finding investigation ngunit kailangan nitong humingi ng access sa mga SALN para sa isinasagawang pagsisiyasat.

Sinabi rin ni Batu na, batay sa kanyang karanasan, karaniwang may reklamong nauuna sa SALN investigation at madalas ay hindi nagpapakilala ang mga nagsusumbong.

Tinanong din ni Tulfo kung kailangang mismong opisyal ang maghanda ng SALN o maaari itong ipagawa sa accountant o ibang tao bago pirmahan at panumpaan.

Tumanggi si Batu na magbigay ng tiyak na sagot dahil mangangailangan umano iyon ng opinion. Sinabi lamang niyang siya mismo ang naghahanda ng sarili niyang SALN.

Inusisa rin ni Tulfo kung labag sa batas kapag tumaas ang mga halagang idineklara ng isang opisyal sa kanyang SALN.

“Sa akin pong palagay po, nagkakaroon po talaga tayo ng increase sa ating mga SALNs,” tugon ni Batu.

Ayon kay Batu, aalisin ang naibentang ari-arian sa kaukulang listahan, habang ang epekto ng bentahan ay maaaring lumitaw sa ibang bahagi ng SALN.

Nang magbigay si Tulfo ng halimbawa tungkol sa perang maaaring matanggap bilang mana o regalo mula sa magulang o asawa, sinabi ni Batu na kailangang ideklara ang donated property at tukuyin ang donation bilang mode of acquisition.

Hindi tuwirang sinagot ni Batu ang bahagi ng tanong tungkol sa inheritance.