Gatchalian

‘Dayaan’ sa halalan sa BARMM hiniling imbestigahan

131 Views

NANAWAGAN si Senate President Sherwin Gatchalian ng imbestigasyon at pananagutan kaugnay ng karahasan at mga alegasyon ng pandaraya sa kauna-unahang halalang parlyamentaryo ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao.

Kasabay nito, pinuri ni Gatchalian ang mga Bangsamoro na bumoto at ang mga guro at alagad ng batas na tumulong sa pagsasagawa ng halalan noong Lunes.

“The BARMM election is a historic milestone for autonomy and democratic transition. I commend the Bangsamoro people for exercising their right to choose their leaders alongside teachers and law enforcers who helped ensure a generally peaceful exercise. I am confident that this will pave the way for lasting peace and economic development in Mindanao,” ani Gatchalian.

Ayon sa magkahiwalay na ulat, hindi bababa sa apat ang nasawi at 20 ang nasugatan sa mga insidenteng iniugnay sa halalan.

Isinailalim ng Commission on Elections sa direktang kontrol nito ang Cotabato City matapos ang karahasang ikinasawi ng tatlo at ikinasugat ng 15 iba pa bago ang botohan. Isa pa ang iniulat na nasawi sa kaguluhan sa isang presinto noong araw ng halalan.

Isinailalim din sa Comelec control ang Maluso, Basilan, matapos matagpuan ang mga balotang nasagutan na bago pa man ibigay sa mga botante o “pre-shaded ballots” sa 36 sa 68 presinto.

Nagpaimprenta ang Comelec ng mga kapalit na balota, pinalawig ang oras ng botohan sa mga apektadong lugar at sinabing pananagutin ang mga nasa likod ng insidente.

Sa kabila ng mga pangyayari, sinabi ng Comelec at Philippine National Police na naging mapayapa sa kabuuan ang halalan. Iniulat ng Comelec na 98.1 porsiyento ng mga presinto ang matagumpay na nagbukas.

Tinataya ng mga opisyal ng halalan na umabot sa 80 porsiyento ang voter turnout, katumbas ng humigit-kumulang 1.8 milyong boto mula sa 2.39 milyong rehistradong botante.

Pumili ang mga botante ng mga kinatawan sa 80-miyembrong Bangsamoro Parliament, na siyang maghahalal sa unang halal na chief minister ng rehiyon.

Ang halalan ay bahagi ng demokratikong transisyong nag-ugat sa 2014 Comprehensive Agreement on the Bangsamoro sa pagitan ng pamahalaan at Moro Islamic Liberation Front.

“Sa kabila nito, mariin kong kinokondena ang karahasan at umano’y mga pandaraya. Dapat itong maimbestigahan at mapanagot ang mga lumabag sa batas. Ngayong tapos na ang eleksyon, nananawagan ako ng pagkakaisa para sa mas maunlad at mapayapang BARMM,” ani Gatchalian.