Tulfo1

Eala posibleng pagmultahin ng US$10K, tulong nga gobyerno isinusulong

125 Views

PINATUTULONG nina Sens. Erwin Tulfo at Christopher “Bong” Go ang pamahalaan kay Alex Eala na posibleng pagmultahin ng US$10,000 matapos piliing katawanin ang Pilipinas sa 2026 Asian Games sa Japan sa halip na sumali sa China Open.

Ayon kay Tulfo, kasabay ng Asian Games ang China Open, isang mandatory WTA 1000 tournament, kaya posibleng pagmultahin si Eala sa hindi pagsali.

“Hindi natin dapat ilagay si Alex sa sitwasyon na kailangan niyang mamili,” ani Tulfo sa kanyang manipestasyon sa Senado.

“She should not have to carry that burden alone,” dagdag niya.

Hinimok ni Tulfo ang Philippine Sports Commission, Philippine Olympic Committee at iba pang kinauukulang ahensya na humanap agad ng legal na paraan upang masuportahan ang Pinay tennis star.

Nilinaw niyang ang anumang tulong ng pamahalaan ay kailangang may legal na batayan, wastong awtorisasyon at alinsunod sa mga patakaran sa audit at accounting.

“But let me also emphasize that any government assistance must be lawful, properly authorized, transparent, and compliant with our auditing and accounting rules,” aniya.

Nauna nang umapela si Go sa Women’s Tennis Association na huwag parusahan si Eala, habang humingi umano ang Philippine Tennis Association ng exemption para sa kanya.

Ayon kay Go, hindi dapat maparusahan ang isang atleta dahil pinili nitong katawanin ang Pilipinas sa isang malaking international competition.

Wala pang pinal na desisyon ang WTA kung pagmumultahin o papatawan ng ibang parusa si Eala.

Kinilala ni Tulfo na malaking halaga ang US$10,000 ngunit sinabi niyang sulit itong harapin upang makalaro si Eala para sa Pilipinas.

“Because a penalty can be paid. But the opportunity for a Filipino athlete to proudly represent her country—to fight for the Philippine flag and inspire millions of young Filipinos—is priceless,” aniya.

“Alex, kung ito ang iyong pinili, hindi ka nag-iisa. The Philippines should stand with you,” dagdag ng senador.