Calendar
8M bata makikinabang sa libreng pagkain sa inaprubahang bill ng Senado
TINATAYANG walong milyong mag-aaral mula Kindergarten hanggang Grade 3 ang makikinabang sa universal feeding program sa ilalim ng panukalang inaprubahan ng Senado.
Pinagtibay sa ikatlo at huling pagbasa ang Senate Bill No. 2272, o ang panukalang Expanded National Nutrition Program Act, sa botong 19-0-0.
Palalawakin nito ang programa upang mabigyan ng masustansiyang pagkain ang lahat ng Kindergarten hanggang Grade 3 learners sa mga pampublikong paaralan, hindi lamang ang mga natukoy na kulang sa nutrisyon.
“This Expanded National Nutrition Program will address one of the most critical reforms needed in our education system,” ani Sen. Paolo Benigno “Bam” Aquino, sponsor ng panukala at chairperson ng Senate Committee on Basic Education.
“We cannot solve the education crisis if we do not tackle one of its root causes—undernutrition, which stands as a major barrier to effective learning among Filipino students,” dagdag niya.
Gagamit ang panukala ng life-stage approach na magsisimula sa nutrisyon ng ina at magpapatuloy hanggang sa pag-aaral ng bata sa high school.
Bibigyan din ng nakatutok na tulong ang mga katutubong mag-aaral, batang may kapansanan, buntis na mag-aaral, pamilya sa geographically isolated and disadvantaged areas at iba pang higit na nanganganib sa malnutrisyon.
Inaatasan nito ang Department of Health, Department of Social Welfare and Development, Department of Education, National Nutrition Council at Department of the Interior and Local Government na panatilihin ang magkakaugnay na data system.
Gagamitin ang Universal Health Record upang masubaybayan ang paglaki at kalagayan ng bata at maipagpatuloy ang pangangalaga sa bawat yugto ng kanyang buhay.
Makikinabang din ang mga lokal na magsasaka at mangingisda sa programa.
Sa amyendang itinulak ni Sen. Francis “Kiko” Pangilinan, hindi bababa sa 50 porsiyento ng mga produktong agrikultural at pangisdaan na gagamitin sa maiinit na pagkain ang direktang bibilhin mula sa mga akreditadong lokal na magsasaka, mangingisda at kanilang mga kooperatiba.
Kailangang mabayaran ang mga ito sa loob ng 15 working days matapos makumpleto ang delivery.
“By directly procuring from local farmers and fisherfolk, we guarantee their livelihoods. In effect, the budget allocated for nutrition also serves as direct financial support for our local agricultural sector,” ani Aquino.
Aamyendahan ng SB 2272 ang Republic Act No. 11037, o ang Masustansyang Pagkain Para sa Batang Pilipino Act.
Priority measure ito ng Legislative-Executive Development Advisory Council.
May sarili nang bersyon na inaprubahan ang Kamara. Kailangang pagtugmain ng dalawang kapulungan ang kanilang mga panukala bago ito ipadala sa Pangulo.

