Washington

PINOY SA WASHINGTON STATE NA NANGANGANIB IDEPORTA, PINALAYA NG ICE

138 Views

MALUWAG na nakahinga kamakailan ang pamilya ng isang Pinoy sa Washington State matapos itong makalaya sa detention center ng U.S. Immigration and Customs Enforcement (ICE).

Kinumpirma ng Embahada ng Pilipinas sa Washington, D.C. at ng Konsulado Heneral sa Seattle na si Loreto Javar, 76, ay nabigyan ng pansamantalang kalayaan sa pamamagitan ng recognizance habang nakabinbin ang kanyang mga pagdinig sa deportasyon.

Si Javar, isang Pilipinong naninirahan sa Washington State ay nakalabas na sa selda ng ICE ngunit kailangang mag-ulat sa mga awtoridad para sa kanyang mga susunod na paglilitis.

Agad na kumilos ang Konsulado Heneral sa Seattle mula nang mabalitaan ang kaso, kabilang ang pag-apela sa ICE batay sa mga kadahilanang makatao at medikal.

Patuloy nilang susubaybayan ang kalusugan at mga karapatan ni Javar sa buong proseso ng kanyang kaso.

Ang kapakanan ng mga Pilipino ay nananatiling pangunahing prayoridad ng Philippine Foreign Service.

Pinapayuhan ang mga Pilipino sa Estados Unidos na nangangailangan ng tulong-konsular na makipag-ugnayan sa Embahada ng Pilipinas o sa Konsulado Heneral ng Pilipinas na may hurisdiksyon sa kanilang lugar.