Davide, Puno, Panganiban: ‘Sweet 16’ na boto pwedeng magbago

139 Views

MAAARING hindi manatili sa “sweet 16” ang kinakailangang boto upang mahatulan si Vice President Sara Duterte sa nagpapatuloy na impeachment trial kung may mga senador na legal na hindi makagaganap bilang senator-judges, ayon sa mga opinyon nina dating Chief Justices Artemio Panganiban, Reynato Puno at Hilario Davide Jr.

Sa magkakahiwalay na pahayag bilang amici curiae, o mga tagapayo ng Senate impeachment court, kinuwestiyon ng tatlong dating punong mahistrado ang paninindigang hindi maaaring magbago ang 16-vote threshold anuman ang kalagayan ng mga miyembro ng Senado.

Taliwas ito sa posisyon ni retired Associate Justice Adolfo Azcuna na nanindigang 16 ang kailangang boto hangga’t 24 ang kabuuang miyembro ng Senado.

Nakasaad sa Article XI, Section 3(6) ng 1987 Constitution na walang opisyal na maaaring mahatulan nang walang pagsang-ayon ng two-thirds ng lahat ng miyembro ng Senado. Kapag 24 ang basehan, ang two-thirds ay 16.

Kinilala ni Panganiban na 16 ang sagot “in the abstract,” ngunit sinabi niyang hindi dapat tumigil ang pag-unawa sa Konstitusyon sa purong matematika dahil maaaring maapektuhan ng aktuwal na kalagayan ang denominator o bilang na pagbabatayan.

Sa halip na umasa lamang sa literal o teknikal na interpretasyon, sinabi niyang dapat gamitin ng senator-judges ang kanilang common sense, na ginagabayan ng “truth and fairness.”

Ayon kay Panganiban, ang katotohanan ay dapat ibatay sa mga dokumento at testimonya. Hinihingi naman ng pagiging patas na mabigyan ang magkabilang panig ng pagkakataong maglahad ng kanilang panig at sagutin ang mga paratang.

Kinuwestiyon niya kung makatarungang pabotohin ang mga senador na nagtatago, nasa ibang bansa, nakakulong, may sakit, nakaospital o lumiban nang hindi nasusuri ang mga dokumento, naririnig ang mga testimonya o napag-aaralan ang ebidensiya.

“Meaningful adjudication requires active participation in the search for truth and fairness,” ani Panganiban.

Hindi naman niya sinabi na awtomatikong dapat alisin sa bilang ang bawat senador na lumiban. Nakatuon ang kanyang argumento sa aktuwal na partisipasyon at malayang pagsusuri sa ebidensiya bago bumoto.

Mas tuwirang tinanggihan ni Puno ang stand-alone literal interpretation na gagawing “fixed and immutable” ang 16-vote requirement.

Kung hindi nagbabagong 16 ang nais ng mga gumawa ng Konstitusyon, sinabi ni Puno na maaari sanang tahasang inilagay ang numerong iyon. Sa halip, two-thirds ang ginamit, kaya maaaring magbago ang kinakailangang bilang depende sa mga legal na kalagayan.

Ayon kay Puno, maaaring suriin ng impeachment court kung dapat pa bang isama sa bilang ang mga senador na namatay, nagbitiw, napatalsik o nawalan ng legal na kakayahang gampanan ang kanilang tungkulin. Maaari rin nitong isaalang-alang ang kalagayan ng mga nasa preventive suspension o nahahadlangan ng batas na kumilos bilang senador.

Nilinaw ni Puno na hindi sapat ang simpleng pagliban upang ipagbawal sa isang senador ang pagboto. Maaari aniyang magpasya ang isang hukom batay sa records kahit hindi nito personal na nakita ang isang testigo.

Hindi rin aniya patunay ng kawalan ng partisipasyon ang hindi pagtatanong sa mga testigo dahil karaniwang nagtatanong lamang ang mga hukom upang linawin ang isang punto.

Iginiit ni Puno na kailangang independent, fair and impartial ang senator-judges at dapat nilang pag-aralan at timbangin ang ebidensiya. Nagbabala siyang maaaring kuwestiyunin ang proceedings at anumang conviction kung mapatutunayang may kinikilingan ang tribunal at nilabag ang due process ng respondent.

Sinabi rin ni Puno na may unang kapangyarihan ang Senate impeachment court na bigyang-kahulugan ang two-thirds requirement dahil ipinagkaloob dito ng Konstitusyon ang “sole power to try and decide” impeachment cases.

Gayunman, sinabi niyang maaaring makialam ang Supreme Court kung nilabag ng impeachment court ang due process, walang sapat na dahilan nitong pinigilan ang isang senador na umupo bilang judge o hinayaan nitong litisin ang respondent ng tribunal na may kinikilingan.

Samantala, sinabi ni Davide na may persuasive value ang 1949 Supreme Court ruling sa Avelino v. Cuenco, bagama’t hindi ito direktang umiiral sa impeachment trial.

Ang Avelino case ay tungkol sa quorum ng Senado matapos maospital ang isang senador at pumunta sa United States ang isa pa. Hindi nito direktang pinagpasiyahan ang dami ng botong kailangan para sa impeachment conviction.

Gayunman, sinabi ni Davide na maaaring gamiting gabay ang pagtrato ng ruling sa mga miyembrong wala sa abot ng kapangyarihan ng Senado. Sa kanyang pananaw, hindi dapat isama sa basehan ng two-thirds vote ang mga senador na nakakulong, nasa ibang bansa, suspendido o hindi matukoy ang kinaroroonan.

Mas maingat si Puno sa paggamit sa Avelino. Sinabi niyang hindi ito ganap na precedent dahil quorum ang usapin, iba ang probisyong binigyang-kahulugan at hati ang naging pangangatwiran ng Korte. Maaari lamang aniyang gamitin ang desisyon bilang isa sa mga gabay.

Tinutulan naman ni Azcuna ang paggamit sa Avelino upang bawasan ang conviction threshold.

“Where the law does not distinguish, neither should we distinguish. The law says ‘all’ the members,” nauna nang sinabi ni Azcuna.

Ayon sa kanya, maaaring makaapekto ang detention o suspension sa quorum ngunit hindi sa two-thirds vote na kailangan para sa conviction. Sinabi rin niyang hindi binigyang-kahulugan sa Avelino ang katagang “all the members” na ginamit sa impeachment provision.

Binigyang-diin din ni Azcuna na dapat maging patas at walang kinikilingan ang senator-judges at magpasya batay sa mga katotohanan at ebidensiya.

Advisory lamang ang mga opinyon ng amici curiae. Ang senator-judges pa rin ang magpapasya kung sino ang kabilang sa “all the Members of the Senate” at kung ilang boto ang kailangan kapag isinagawa ang final voting.