Calendar
MWP na helper dinampot sa Taal sa kasong gahasa


KAMPO HENERAL MALVAR, Lungsod ng Batangas — Natimbog noong Lunes ng Batangas PPO ang isang Regional Most Wanted Person na nahaharap sa mga kasong rape at acts of lasciviousness, sa Barangay Ilog Taal, Batangas, ayon sa report kay Batangas police director PCol. Oliver Ebora.
Ang akusado, na kinilala sa alyas na Humprey, 53, helper, at residente ng Barangay Lodlod, Lipa City, Batangas, ay dinakip batay sa mga Warrant of Arrest sa mga kasong rape sa ilalim ng Article 266-A ng Revised Penal Code at acts of lasciviousness na inilabas ng Presiding Judge ng Family Court, Branch 2, ng Lipa City, Batangas, na may petsang Feb. 14, 2022.
Isinagawa ang operasyon ng mga intelligence operatives ng Ibaan Municipal Police Station, katuwang ang Warrant Personnel ng Lipa Component City Police Station, Provincial Intelligence Team-Batangas, at Regional Intelligence Unit 4A.
Kasalukuyang nasa kustodiya ng yunit na umaresto sa kanya ang akusado habang inihahanda ang mga kinakailangang dokumento para sa pagsusumite ng mga warrant pabalik sa korte na naglabas nito.

