Calendar
Handog ng Pangulo sa N. Ecija ‘blockbuster hit’


PALAYAN CITY, Nueva Ecija – Libo-libong Novo Ecijano ang dumagsa, lumahok at nakinabang sa “Handog ng Pangulo, Serbisyong Sapat Para sa Lahat” caravan na idinaos sa jampacked 6,000-capacity Nueva Ecija Coliseum sa Bgy. Singalat dito noong Lunes.
Isinagawa ang aktibidad bilang bahagi ng pagdiriwang ng ika-69 kaarawan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. kung saan nagsanib puwersa ang mga ahensiya ng pamahalaan upang maihatid ng diretso ang serbisyo publiko sa mamamayang Pilipino.
Dinaluhan ito ni Cabinet Secretary Benjamin Benhur Abalos Jr., na kinatawan ni Pangulong Marcos Jr., kasama si Office of the Executive Secretary Undersecretary for Economic Affairs Erwin Sta. Ana.
Binigyang-diin ni Sec. Abalos ang pagpapalakas ng mga serbisyo upang mas maiparating at mapakinabangan ito ng mga taumbayan.
Tinukoy ni Abalos kung paano higit na maihahatid ng pamahalaang nasyunal ang suporta nito sa mga lokal na pamahalaan at mga barangay, partikular na sa pamamagitan ng Local Government Support Fund at Socio-Civic Projects Fund.
“Mas mahalagang naibababa itong mga programa ng pambansang pamahalaan sa mga lalawigan, bayan at barangay upang mas maramdaman ng mga Pilipino ang serbisyo ng gobyerno,” saad ni Abalos.
“Ang atas ng Pangulo sa akin ay ibukas ang Malacañang sa bawat Pilipino at dapat maaksyunan ang lahat ng problema,” dagdag ni Abalos.
Ayon naman kay Usec Sta. Ana, “Hindi lamang sa dami ng pondo o programa ang mahalaga, kundi kung nakararating ba ito sa tao at nakatutulong sa mga pamilya at komunidad. Dapat maging mabilis, tapat at kapaki-pakinabang ang serbisyo ng pamahalaan, dahil ang tunay na sukatan nito ay ang epekto sa buhay ng mamamayan.”
Samantala, nagpaabot ng pasasalamat ang Pamahalaang Panlalawigan, sa pangunguna ni Gov. Aurelio M. Umali at Vice Gov. Gil Raymond M. Umali, para sa tulong na direktang ipinarating ng pangulo sa pamilyang Novo Ecijano sa pamamagitan ng Handog ng Pangulo caravan, kaalinsabay ng kanyang 69th kaarawan.
Kabilang sa mga serbisyong ibinigay sa caravan ay ang P30-million Special Financial Assistance para sa mga naapektuhan ng Habagat at mga bagyong Luis at Neneng, mga proyekto para sa mga barangay katulad ng Bawat Barangay Makikinabang program at BBM Scholars, pamamahagi ng farm machineries at agricultural assistance, solar-powered pump irrigation projects, E-Titles at EP/CLOA, livelihood grants, scholarship at training assistance, tulong para sa mga OFW at kanilang pamilya, supplementary feeding support, at PhilHealth membership records at ID cards.
Ayon kay Provincial Administrator Jose Maria Ceasar San Pedro, nasa 5,000 pamilya na biktima ng Habagat at bagyo ang makatatanggap ng ₱6,000 cash assistance bawat pamilya, na naglalayong makatulong sa kanilang agarang pangangailangan.
Sa parte ng National Irrigation Administration-Upper Pampanga River Integrated Irrigation Systems, pormal na ipinagkaloob ni acting department manager, Engr. Alvin L. Manuel ang 20 Solar-Powered Pump Irrigation Projects (SPIPs) sa mga kinatawan ng IAs sa nasabing aktibidad.
Tampok din sa aktibidad ang paggawad ng sertipiko sa 11 munisipalidad ng Nueva Ecija bilang recipients ng feeding utensils sa ilalim ng CY 2026 Supplementary Feeding Program (Batang Nutri-Care), gayundin ang 2nd Tranche UPLIFT Payout sa San Jose City na nakinabang ang 1,098 benepisyaryo.
Sa ilalim naman ng Sustainable Livelihood Program (SLP), nagkakaloob ang Department of Social Welfare and Development ng ₱20,000 seed capital fund sa isang benepisyaryo upang makatulong sa pagsisimula o pagpapaunlad ng kabuhayan.
Sa loob ng Nueva Ecija Coliseum, makikita din ang Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) na naglagay ng mga booths para mailapit ang serbisyo nito sa pamamagitan ng membership registration, renewal, reactivation, at updating o amendment ng member records; printing at issuance ng Member Data Record at PhilHealth Identification cards; at YAKAP registration.

