Calendar
TESDA center binira: ‘pagong na, kambingan pa’
SUMALANG sa sunod-sunod na tanong ng limang senador ang Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) kaugnay ng P3.6 bilyong accounting errors at omissions na binanggit sa pagdinig, mababang paggamit ng pondo, problema sa scholarship selection at mga training center na ginawa umanong kulungan ng kambing.
Nagtanong sina Sen. Erwin Tulfo, Senate finance subcommittee chair Sen. Joel Villanueva, Senate Majority Leader Juan Miguel Zubiri, Sen. Bong Go at Senate President Sherwin Gatchalian sa paghimay sa P21.20-bilyong panukalang budget ng TESDA para sa 2027.
Sinabi ni Tulfo na hindi muna niya susuportahan ang hinihinging dagdag na pondo hangga’t hindi nasasagot ng TESDA ang mga audit finding ng Commission on Audit (COA).
Binanggit niya ang 17 audit findings na may kinalaman umano sa P3.6 bilyong accounting errors at omissions, problema sa scholarship training, kuwestiyonableng tuition payments at allowances na naantala, napaagang inilabas o hindi nakuha.
Nilinaw ng kinatawan ng COA na patuloy ang validation sa mga tugon at pagwawasto ng TESDA at inaasahang ilalabas sa Oktubre ang resulta. Hindi sinabi ng COA na nawawala o nanakaw ang P3.6 bilyon.
Ayon kay TESDA Secretary-Director General Jose Francisco “Kiko” Benitez, nagsumite na ang ahensya ng action plan. Iniugnay ng mga opisyal ang ilan sa mga problema sa kakulangan ng accountant sa provincial at district offices.
Sinuportahan ni Go ang budget ngunit hiniling na ipatupad muna ang mga programang naiwan mula 2025. Binanggit niya na 76 porsiyento pa lamang ang nagagamit sa 2025 Training for Work Scholarship Program at 28 porsiyento pa lamang umano ang nagagamit para sa 2026.
Nagtuon si Villanueva sa pagpili at resulta ng mga scholarship. Ikinuwento niya ang isang may trabaho na inalok umano ng scholarship sa baking o food processing, kasama ang allowance.
Inamin ng TESDA na nakasalalay pa rin ang pagpili ng ilang benepisyaryo sa self-declaration ng aplikante at sertipikasyon ng barangay. Wala pa umano itong ganap na mekanismo laban sa posibleng impluwensiyang pampolitika.
Iginiit ni Villanueva na hindi sapat ang scholarship slot. Dapat umabot ang benepisyaryo mula enrollment at training hanggang assessment, certification at disenteng trabaho o matatag na kabuhayan.
Lumabas sa pagdinig na humigit-kumulang 93 porsiyento ng TESDA graduates ang nasa National Certificate I at II, habang nasa isang porsiyento lamang ang umaabot sa Level 5 qualification.
Inilabas ni Zubiri ang mga larawan ng 18 training center na ipinatayo niya sa Bukidnon at tinanong kung bakit may ilan umanong ginawang bodega, multipurpose building at kulungan ng kambing.
Tumugon ang TESDA na naayos na ang mga pasilidad, wala nang kambing sa mga ito at ipinoproseso na ang registration ng mga kursong nakatuon sa agrikultura at construction.
Tinutukan ni Gatchalian ang AI at semiconductor training. Sinabi ng TESDA na humigit-kumulang 30 porsiyento ng mga trabaho ang maaaring ma-expose sa AI, ngunit hindi ito nangangahulugang mawawala ang lahat ng posisyong iyon.
Iniulat ng ahensya ang 30,000 training slots sa data at AI at iba pang institution- at enterprise-based courses.
Kinuwestiyon din ni Gatchalian ang 51-porsiyentong pagbaba ng enterprise-based training enrollment mula 126,000 noong 2024 tungo sa 61,000 noong 2025. Ipinaliwanag ng TESDA na naapektuhan ito ng paglipat sa mga bagong requirement sa ilalim ng Enterprise-Based Education and Training Framework Act.
Halos P39 bilyon ang orihinal na hiniling ng TESDA para sa 2027, ayon kay Benitez, ngunit P21.20 bilyon lamang ang isinama sa panukalang pambansang budget—P5.15 bilyon o 19.5 porsiyentong mas mababa sa P26.35-bilyong budget nito ngayong 2026.

