Calendar
Zubiri isinalang 13-vote treaty precedent sa impeachment debate
ISINALANG ni Senate Majority Leader Juan Miguel “Migz” Zubiri sa impeachment court ang 2001 Senate precedent kung saan 13 senador lamang ang bumoto upang sang-ayunan ang apat na international agreements noong 20 lamang ang miyembro ng kapulungan.
Ginamit ni Zubiri ang treaty votes upang kuwestiyunin ang two-thirds requirement para ma-convict si Vice President Sara Duterte.
May direktang kaugnayan kay Zubiri ang usapin sa treaty concurrence. Bilang chairman ng Senate Committee on Foreign Relations, siya ang sponsor ng Senate Resolution No. 650 na humihingi ng concurrence sa Philippines-France Status of Visiting Forces Agreement.
Sinabi ni Zubiri na natagpuan niya sa Senate Journal ang pagboto noong March 19, 2001, sa fifth special session ng 11th Congress.
Ayon kay Zubiri, 13 senador ang bumoto pabor sa apat na kasunduan: ang Copenhagen Amendments at London Amendments sa Montreal Protocol on Substances that Deplete the Ozone Layer; ang Treaty on the Southeast Asia Nuclear Weapon-Free Zone; ang International Convention for the Prevention of Pollution from Ships; at ang proposed Fourth Amendment sa Articles of Agreement ng International Monetary Fund.
Parehong gumagamit ang treaty provision at impeachment provision ng katagang two-thirds of all the members of the Senate.
Sa ilalim ng Article VII, Section 21 ng 1987 Constitution, kailangan ang concurrence ng hindi bababa sa two-thirds of all the Members of the Senate bago maging valid at effective ang isang treaty o international agreement.
Sinabi ni Zubiri na hindi 16 kundi 13 ang itinuring ng Senado na kinakailangang boto noong 2001 dahil 20 lamang ang aktuwal na miyembro ng kapulungan.
May apat na permanenteng bakante noon sa Senado. Nabakante ang mga dating pwesto nina Gloria Macapagal-Arroyo at Teofisto Guingona Jr. nang maging bise presidente ang dalawa; namatay sa puwesto si Marcelo Fernan; at umalis sa Senado si Raul Roco upang pamunuan ang Department of Education.
Tinanong ni Zubiri kung nilabag ng Senado ang Konstitusyon nang sang-ayunan nito ang apat na kasunduan sa pamamagitan ng 13 boto.
Sumagot si retired Chief Justice Artemio Panganiban na walang ginawang labag sa Konstitusyon ang Senado.
“The short answer is no. The Senate did not commit any act that is contrary to the Constitution,” ani Panganiban.
Gayunman, ang eksaktong two-thirds ng 20 ay 13⅓. Hindi naipaliwanag sa partikular na palitan nina Zubiri at Panganiban kung bakit 13, sa halip na 14, ang itinuturing na sapat noong 2001.
Sa sumunod na bahagi ng pagdinig, binanggit ni retired Associate Justice Adolfo Azcuna ang Santiago v. Guingona, kung saan sinabi niyang hindi isinama ng Supreme Court ang fraction sa pagkuwenta ng proportional representation sa Commission on Appointments.
Nilinaw din ni Panganiban na hindi awtomatikong kontrolado ng 2001 treaty votes ang impeachment proceedings.
Noong 2001, permanenteng bakante ang apat na puwesto at kumikilos ang Senado bilang katawan na nagbibigay ng concurrence sa mga kasunduan.
Sa impeachment trial, nananatiling senador ang ilang hindi makalahok, ngunit maaaring nakakulong, nasa ibang bansa, nagtatago, may karamdaman o nahaharap sa ibang legal na hadlang.
Nakaupo rin ang mga kalahok na senador bilang senator-judges na kailangang tumanggap ng ebidensya at magpasya sa pananagutan ng respondent.
Para naman kina Panganiban, retired Chief Justice Reynato Puno at retired Chief Justice Hilario Davide Jr., maaaring isaalang-alang kung ang isang senador ay legal at pisikal na may kakayahang lumahok sa paglilitis.

