Calendar
Maramihang produksiyon ng mga imbensiyong Pinoy itinulak ni Aquino
DAPAT mailabas sa mga laboratoryo ang mga imbensiyong Pilipino na pinondohan ng gobyerno upang magawa nang maramihan at maibenta sa mas malawak na merkado, iginiit ni Senator Paolo Benigno “Bam” Aquino IV sa Department of Science and Technology nitong Miyerkules.
Sa pagdinig ng Senado sa panukalang 2027 budget ng DOST, hiniling ni Aquino sa departamento na iugnay ang mga siyentista at startup sa mga manufacturer, investor at matatag nang negosyo.
Sinabi niyang hindi dapat manatiling prototype, research paper o produktong limitado sa lokal na pamilihan ang mga teknolohiyang handa nang gamitin.
Iminungkahi ni Aquino na makipagtulungan ang DOST sa Department of Trade and Industry sa pagdaraos ng trade fair para maipakilala ang market-ready Filipino technologies sa mga lokal at dayuhang mamimili.
Aniya, maaaring magtayo ng sariling negosyo ang mga siyentistang gustong gawing produkto ang kanilang imbensiyon. Maaari rin nilang ipagamit ang kanilang teknolohiya sa mga kompanyang kayang humawak sa produksiyon, marketing at distribusyon kapalit ng royalties.
Kinilala naman ni Aquino na may mga siyentistang mas gustong manatili sa research at hindi dapat piliting maging negosyante.
Sumang-ayon si DOST Secretary Renato Solidum Jr. na kailangan ang mas malaking partisipasyon ng pribadong sektor upang mapalawak ang produksiyon ng mga teknolohiyang likha sa bansa.
Sinabi ni Solidum na naghahanap ang DOST ng manufacturing partners na kayang dalhin sa mas malaking merkado ang mga imbensiyong Pilipino.
Iminungkahi rin niyang isama ng mga unibersidad ang commercialization, at hindi lamang published research, sa pagsukat sa trabaho at pag-angat ng kanilang researchers.
Iniulat ni Solidum na nakapagbigay ang DOST ng humigit-kumulang ₱2 bilyon sa 178 startup at nakatulong sa pagtatatag ng 158 technology business incubator sa buong bansa.
Tinutulungan ng mga incubator ang researchers at startup founders na pagbutihin ang kanilang produkto, bumuo ng business plan at makahanap ng mamumuhunan.
Binubuo rin ng DOST ang Propel program upang pagsama-samahin ang mga teknolohiyang bukas sa investment, at ang iTanong platform na maaaring gamitin ng entrepreneurs at investors sa paghahanap ng government-supported technologies at business information.
Inamin ni Solidum na kailangan pa rin ng mga Filipino startup ng mas malawak na access sa investors at venture financing.
Tinalakay ang commercialization habang sinusuri ng mga senador ang panukalang ₱30.87-bilyong budget ng DOST para sa 2027.
Humingi ang departamento ng ₱68.55 bilyon, mas mataas nang ₱37.68 bilyon kaysa sa halagang inilaan ng Department of Budget and Management sa National Expenditure Program.
Humigit-kumulang 55 porsiyentong mas mababa ang rekomendasyon ng DBM kaysa sa orihinal na hiling ng DOST. Ngunit kung ihahambing sa ₱32.12-bilyong budget nito ngayong 2026, nasa ₱1.25 bilyon, o 3.9 porsiyento, ang pagbaba taon-taon.
Inusisa rin ni Aquino ang pag-asa ng bansa sa foreign-developed artificial intelligence systems na maaaring hindi sapat na kumilala sa mga wika, kasaysayan, kultura at pagpapahalagang Pilipino.
Sinabi ng mga opisyal ng DOST na naaprubahan na ang programa para bumuo ng sariling large language model ng bansa sa ilalim ng National AI Center for Research and Innovation.
Sasaklawin umano ng modelo ang mga pangunahing wikang Pilipino pati ang mga wikang ginagamit ng mas maliliit na komunidad. Isasama rin dito ang kultura at kasaysayan ng bansa.
Target ng DOST na buksan ito sa publiko sa 2027.
Sinabi ni Solidum na DOST ang inatasang manguna sa National AI Strategy. Nakatalaga rito ang research, talent development at commercialization, habang ang Department of Information and Communications Technology ang nangangasiwa sa connectivity at infrastructure.
Ang Department of Economy, Planning, and Development naman ang humahawak sa governance at policy, habang katuwang ang mga ahensiya sa edukasyon at paggawa sa paghahanda ng workforce, ayon kay Solidum.
Tinanong din ni Aquino kung regular nang ginagamit ng mga pambansa at lokal na ahensiya ang PlanSmart, HANDA at Panahon disaster-information platforms.
Sinabi ni Solidum na awtomatikong nagsasagawa ang PlanSmart ng hazard at risk assessments upang makatulong sa pagpaplano ng mas ligtas na mga komunidad.
Pinagsasama-sama naman ng HANDA ang impormasyon tungkol sa weather systems, lindol, aktibidad ng mga bulkan at tsunami warnings.
Ayon sa PAGASA, nagbibigay ang Panahon platform ng real-time observations, forecasts at warnings tungkol sa ulan, hangin, atmospheric pressure at temperatura.
Hiniling ni Aquino sa DOST na ipakita kung aktuwal at regular nang ginagamit ang mga sistema lampas sa pilot at training stages.
Sinilip din ang DOST workforce matapos banggitin ni Senator Joel Villanueva ang mga rekord na nagpapakitang may 962 bakanteng posisyon at 4,291 job-order at contract-of-service workers.
Tinanong ni Villanueva kung bakit patuloy na dumarami ang contractual personnel habang nananatiling bakante ang mga permanenteng posisyon.
Sinabi ng DOST na sumasailalim pa sa recruitment o promotion procedures ang ilang bagong posisyon, kabilang ang mga puwesto sa Philippine Science High School System.
Nangako ang mga opisyal na magsusumite ng department-wide breakdown sa komite.
Inusisa rin ni Villanueva ang koordinasyon ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration, aviation authorities at airlines kasunod ng mga kanseladong biyahe na iniuugnay sa masamang panahon.
Sinabi ng PAGASA na may weather stations sa malalaking paliparan ngunit walang nakatalagang PAGASA station sa ilang lugar, kabilang ang Cauayan, Isabela.
Ayon kay Solidum, layunin ng isang AI-assisted research project na mapahusay ang computational forecasting ng PAGASA.
Target nitong paikliin mula halos tatlong oras hanggang kada 15 minuto ang pagproseso ng ilang weather computations. Layunin din nitong mapahaba mula limang araw hanggang 14 na araw ang ilang forecasts.
Nilinaw ni Solidum na pinag-aaralan pa ang proyekto at mangangailangan ito ng maraming datos at dagdag na pondo.
Tinanong naman ni Senate finance committee chair JV Ejercito si Solidum tungkol sa posibleng partisipasyon ng Pilipinas sa Pax Silica, isang US-led initiative para sa semiconductor at strategic-technology supply chains.
Sinabi ni Solidum na ang component na pinag-aaralan para sa Clark ay isang advanced manufacturing facility para sa accessories o components na maaaring magamit sa chips para sa data centers o AI hubs.
Nilinaw niyang hindi sa Clark itinatayong ilagay ang mismong data centers o AI hubs.
Hindi pa rin pinal ang mga plano tungkol sa critical-minerals processing at daraan pa ang mga ito sa negosasyon, aniya.
Sinabi ni Solidum na dapat lumikha ng trabaho at oportunidad ang anumang proyekto habang tinutugunan ang mga usaping pangkapaligiran at panlipunan.
Sa ₱30.87-bilyong panukalang budget ng DOST, humigit-kumulang ₱6.43 bilyon ang nakalaan sa personnel services, ₱22.7 bilyon sa maintenance and other operating expenses at ₱1.74 bilyon sa capital outlay.
Itinuring ng komite na naisumite na para sa plenary deliberation ang panukalang budget, ngunit inatasan ang DOST na isumite ang mga dokumento at funding details na hiningi ng mga senador.

