Sibak

Pulis na inireklamo ng panghihipo sinibak sa pwesto

Edd Reyes Oct 2, 2026
24 Views

SINIBAK na sa puwesto ang pulis na inireklamo ng panghihipo sa babaing bumibili sa isang sari-sari store sa Caloocan City.

Bukod kay alyas JRT na may ranggong Master Sergeant, pinai-imbestigahan din ni Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Benliner Capili kay Caloocan police chief P/Col. Joey Goforth ang mga nakatalaga sa Bagumbong Police Sub-Station dahil sa posibleng pagkukulang, kapabayaan, at pagkakamali sa pagsisiyasat na naging dahilan ng pagkabigong aksiyunan kaagad ang reklamo ng biktima.

Nangyari ang insidente noon pang Setyembre 8, 2026 ng alas-8:20 ng gabi sa isang sari-sari store sa Barangay 171, Bagumbong na nahagip pa ng kuha ng CCTV habang hinihipuan ng pulis sa puwet ang biktima.

Hindi umano na-aksiyunan ang reklamo ng biktima kaya’t lumapit ito sa isang malaking television network upang doon magsumbong.

Binigyang diin ni BGen. Capili na lahat ng reklamo na kinasasangkutan ng mga pulis ay nararapat lang na seryosong bigyan ng pansin at aksiyunan ng mabilis batay sa makakalap na ebidensiya na naaayon sa batas, panuntunan, at regulasyon.

Isinailalim na sa restrictive custody si alyas JRT na posibleng maharap mga kasong kriminal at administratibo tulad ng Grave Misconduct, Acts of Lasciviousness, at paglabag sa Safe Spaces Act o mas kilala bilang Anti-Bastos Law.

Ayon pa sa NPD, patuloy nilang itataguyod ang propesyonalismo, pananagutan, at paggalang sa mga karapatan at dangal ng bawat indibidwal, habang tiniyak na maipapatupad ang tamang proseso ng batas para sa makatarungang paglilitis.