Nino

Plano, pondo vs tumitinding El Nino kailangan na — Tulfo

43 Views

IGINIIT ni Sen. Erwin Tulfo na kailangan ng malinaw na plano at nakalaang pondo laban sa lumalakas na El Niño. Ito ay matapos umabot sa P6.87 bilyon ang pinsala sa agrikultura, na tumama sa 223,214 na magsasaka hanggang Setyembre 26, ayon sa datos ng Department of Agriculture (DA).

Inilapit ni Tulfo ang usapin sa plenaryo ng Senado. Isinangguni ito sa Reinvigorate Investment and Sustainable Economic Growth (RISE) Ad Hoc Committee, ang espesyal na komiteng binuo para tugunan ang pagbagal ng ekonomiya, ang pagtaas ng gastusin sa pamumuhay at ang paghina ng kakayahang bumili ng mga mamamayan.

Kinilala ni Tulfo ang El Niño task force ng administrasyon. Pero ayon sa kanya, hindi dapat matapos sa proteksyon ng mga magsasaka at sa patubig ang tutukan ng pamahalaan.

“A task force must be more than a coordinating body. It must have a clear plan, clear responsibilities, and, most importantly, the resources to act before the crisis paralyzes our communities,” aniya.

Ayon sa senador, maiibsan ang epekto ng tagtuyot sa presyo ng bilihin at sa kabuhayan kung maaga ang paghahanda at may nakalaang pondo.

Sa datos ng DA, 249,028 ektarya ng sakahan sa 14 na rehiyon ang tinamaan. Pinakamalaki ang lugi sa mais na P4.90 bilyon, kasunod ang palay na P1.53 bilyon. Paunang tantiya pa lamang ang mga ito at dadaan pa sa beripikasyon.

Ayon pa sa DA, katumbas ng nawalang ani ng palay ang humigit-kumulang 0.12 porsiyento ng target na produksiyon ngayong taon.

Sinabi ng DA na nakapaglabas na ito ng P10.96 bilyong tulong. Kabilang dito ang P10.53 bilyon para sa binhi, pataba at soil conditioner, at P427.07 milyong bayad-pinsala mula sa crop insurance para sa 42,383 magsasaka.

Ayon naman sa Malacañang, P6.2 bilyon ang inilaan ngayong taon sa DA para sa mga magsasaka at mangingisdang apektado ng lagay ng panahon at taas-presyo ng langis.

Batay sa PAGASA, malakas na El Niño ang umiiral ngayon. Posible itong lumala pa hanggang “very strong” bago matapos ang taon at tumagal hanggang unang kalahati ng 2027.

Muling binuhay ang Task Force El Niño sa ilalim ng Executive Order 53 noong 2024 para pag-ugnayin ang mga hakbang sa tubig, pagkain, enerhiya at kalusugan. Noong Setyembre, ipinahanda ito ni Pangulong Marcos, lalo na para sa agrikultura.

Pinamumunuan ni Sen. Risa Hontiveros ang RISE committee, na inaasahang maglalabas ng mga paunang ulat bago ang pinal na rekomendasyon.