Gambling Source: Santa Cruz MPS file photo

Abusadong online lending apps sinisisi sa pagtaas ng krimen, adik sa online gambling

328 Views

NANAWAGAN si Senate Majority Leader Joel Villanueva sa Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) na paigtingin ang pagbabantay at regulasyon sa mga online lending apps na sinasabing may kaugnayan sa tumataas na kaso ng cybercrimes at online gambling.

Ayon kay Villanueva, dapat sabayan ng BSP ang mga pagsisikap ng mga law enforcement agencies upang tugunan ang negatibong epekto ng online gambling. Giit niya, ang layunin ay hindi lamang kontrolin ito kundi tuluyang ipagbawal.

“Kapag pinagsama ang iligal na online gambling at mapang-abusong pautang mula sa mga online lending apps, tiyak na lalong malulubog sa utang at problema ang ating mga kababayan,” ani Villanueva. “Maging ang Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) ay kinilala ang koneksyon ng dalawa sa pagtaas ng cybercrimes.”

Binanggit pa ng senador na may pananagutan din ang mga ahensya ng gobyerno sa pagbibigay ng regulasyon upang mapigilan ang lalong pagkalat ng online gambling. “Regulatory agencies must exercise their oversight to support our law enforcement bodies, and do their fair share in slowing down the rampant use of online gambling platforms,” aniya.

Isiniwalat din ni Villanueva na ilang dating empleyado at operator ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) ang lumipat na sa bagong anyo ng online gambling at humiling ng lisensya mula sa Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR).

“Paano tinitiyak ng PAGCOR na hindi na bumabalik ang parehong mga taong ito gamit ang ibang pangalan o kumpanya? At ano ang konkretong hakbang na ginagawa nila kapag may nakitang iregularidad?” tanong niya.

Dagdag pa ni Villanueva, “Ang adiksyon po ay sakit. PAGCOR cannot just say ‘responsible gambling’ and hope that gambling addiction would magically go away.”

Sa isang pahayag mula kay PAOCC executive director Gilberto Cruz, kinumpirma ng ahensya ang koneksyon sa pagitan ng paggamit ng online lending apps at online gambling. Ayon kay Cruz, ilan sa mga biktima ay mga overseas Filipino workers (OFWs) na napilitang umutang matapos magamit ang kanilang ipon sa pagsusugal online.

Nito lamang unang bahagi ng buwan, inihain ni Villanueva ang Senate Bill No. 47 na layong tuluyang pawalang-bisa ang lahat ng batas at regulasyon na nagbibigay daan sa operasyon ng online gambling sa bansa.

Sa ilalim ng panukala, ang sinumang mahuhuling lumalahok sa ipinagbabawal na online gambling ay maaaring makulong ng hanggang anim na buwan o pagmultahin ng hanggang ₱500,000.

Samantala, ang mga opisyal ng kompanyang masasangkot ay maaaring masentensiyahan ng hanggang limang taong pagkakakulong at multang ₱500,000.