Castro

Malacañang nalulungkot sa pagpapaliban ng decommissioning ng mga combatant

303 Views

IKINABAHALA ng Malacañang ang desisyon ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) na ipagpaliban ang huling yugto ng decommissioning o pagdisarma sa natitirang mga combatant ng grupo.

“Nakakalungkot po na balita iyan dahil alam naman po natin na ang gobyerno po ay talagang naglalaan ng pondo para sa magandang kinabukasan ng mga nagnanais na bumalik at magkaroon ng normal na buhay,” ayon kay Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro nitong Biyernes.

Sa isang press briefing, sinabi ni Castro na naglaan ang pamahalaan ng halagang P100,000 bilang tulong-pinansyal para sa bawat decommissioned na MILF combatant, at mahigit P4 bilyon para sa mga programang panlipunan at pangkabuhayan.

Dagdag pa niya, handang makipagdayalogo muli ang gobyerno sa MILF upang mapag-usapan ang mga susunod na hakbang.

“Makikipag-usap po ng mas masinsinan para po mas maging maganda ang resulta,” ani Castro.

Noong Huwebes, inihayag ng Office of the Presidential Adviser on Peace, Reconciliation, and Unity (OPAPRU) na ipinagpaliban ng MILF Central Committee ang decommissioning ng 14,000 combatants at 2,450 na armas, dahil sa umano’y kakulangan ng pagtupad ng gobyerno sa mga pangakong tulong-sosyoekonomiko.

Binigyang-diin ng OPAPRU ang taos-pusong hangarin ng pamahalaan na isakatuparan ang mga kasunduan sa ilalim ng Comprehensive Agreement on the Bangsamoro, bagay na makikita sa mga tagumpay sa normalization at political track ng peace agreement.

Nanawagan ang OPAPRU sa MILF na ituloy na ang huling yugto ng decommissioning.

“Bilang patuloy na katuwang, pormal naming inaanyayahan ang pamunuan ng MILF na pagtibayin ang ating iisang layunin: isang Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) na malaya sa mga armadong grupo at ilegal na armas, kung saan umiiral ang batas at kapayapaan,” ayon sa pahayag ng OPAPRU.

“Ito po ang ating sama-samang pangakong tuparin ang diwa at nilalaman ng Comprehensive Agreement on the Bangsamoro,” dagdag pa nito. PCO