Acidre

Acidre ipinagtanggol dating Speaker Romualdez; iginiit kung walang ebidensiya, mga paratang ingay lang

230 Views

BINIGYANG-DIIN ni Acidre ang kahalagahan na laging manaig ang katarungan at due process.

“Madaling magbato ng paratang. Pero kung walang ebidensya, puro ingay lang iyon,” sabi ni Acidre sa isang panayam sa media, habang ipinagtatanggol niya ang dating Speaker Martin Romualdez laban sa mga tinawag niyang hindi makatarungan at haka-hakang paratang na nag-uugnay dito sa umano’y iregularidad sa mga proyekto ng imprastraktura.

Itinuro ni Acidre na walang dokumento o testimonya na tuwirang nagsasangkot kay Romualdez sa anumang maling gawain.

“Walang ebidensyang direktang nagdudugtong kay Martin Romualdez sa lahat ng kontrobersiyang ito. Sa tingin ko, hindi makatarungan na puro haka-haka lang ito. Hindi tayo maaaring humusga batay sa mga espekulasyon. Kailangan mong magpakita ng ebidensya. Hangga’t hindi nila nagagawa iyon, mas mabuting pigilan muna ng mga tao ang paghusga sa kanya,” aniya.

Binigyang-diin din ng batang lider ng Kamara na ang mga paratang na walang patunay ay nagpapalaganap lamang ng maling impormasyon at nakakaantala sa tunay na mga repormang dapat isulong.

“Minsan nakakalimutan nating tao rin ang mga pinag-uusapan natin. Mayroon din silang panig na kailangang maunawaan. Halimbawa, oo, si House Speaker Romualdez ay naging pinuno namin sa Kamara, pero isa rin siyang kasamahan,” sabi ni Acidre.

Si Acidre, na dati nang nagsulat ng kolum na pinamagatang “What a Speaker Truly Means,” ay naglarawan kay Romualdez bilang isang “tagapakinig” at “pinunong nakabuo ng impluwensya sa pamamagitan ng tiwala, hindi ng kontrol.”

“Tanungin mo ang sinumang nakatrabaho niya nang malapitan at sasabihin nila: Si Martin Romualdez ay isang tagapakinig. Hindi siya padalos-dalos sa mga desisyon. Hindi siya ginagabayan ng ego o ambisyon. Ang layunin niya ay pareho parati — ang gawin ang tama para sa institusyon at para sa bansa. Ang kanyang impluwensya ay hindi galing sa kontrol, kundi sa tiwala,” isinulat ni Acidre sa naturang kolum.

Sinabi niya na isinulat niya ang artikulo upang ipaalala sa sarili at sa iba ang mga aral mula sa mga lingkod-bayan na, sa kabila ng mga kontrobersiya, ay patuloy na naglilingkod nang may dignidad.

Tinanggihan din ni Acidre ang pananaw na dapat managot si Romualdez sa mga umano’y gawain ni dating Ako-Bicol Rep. Elizaldy Co, na nasangkot sa diumano’y iregularidad sa pondo para sa mga flood-control project.

“Kahit sa usapin ng mga appointment o halalan o pagtatalaga ng mga chairman ng komite — lahat ng iyon ay mga desisyon ng plenaryo, hindi ng Speaker. At sa pagtupad niya ng kanyang tungkulin, hindi kailanman nakikialam o nakikibahagi ang Speaker,” paliwanag niya.

Kalaunan ay nagbitiw sa tungkulin ang lider ng Leyte, na nagsabing ayaw niyang maging pabigat sa Kamara o maging hadlang sa Independent Commission on Infrastructure (ICI) sa malaya at ganap nitong pagtupad sa mandato nito.