Calendar
Jinggoy itinutulak 12 taong kulong, P5M multa sa bomb hoax
ISINUSULONG ni Senador Jose Jinggoy Estrada ang pagpapalakas at pagmomodernisa ng umiiral na batas laban sa mga bomb hoax sa pamamagitan ng mas mabigat na parusa at pagpapalawak ng saklaw nito upang isama ang mga pekeng banta na ipinapadala sa social media at iba pang digital platforms.
Sa ilalim ng Senate Bill No. 1076 o ang panukalang “False Bomb Threat Prohibition Act,” sinabi ni Estrada na layunin ng panukala na i-update ang Presidential Decree No. 1727 na kasalukuyang nagpapataw ng parusang hanggang limang taong pagkakakulong o multang ₱40,000. Sa bagong panukala, papatawan ng anim hanggang labindalawang taong pagkakakulong o multang mula ₱1 milyon hanggang ₱5 milyon, o pareho, ang sinumang mapatunayang lumabag.
“The safety and security of the public are non-negotiable. These false threats are deliberate acts of disruption that endanger lives, paralyze institutions, and waste valuable government resources.
They erode public trust in emergency systems that are supposed to respond to real crises. We need a stronger legal deterrent to protect our citizens from these unscrupulous individuals,” pahayag ni Estrada.
Inihain ni Estrada ang panukalang batas kasunod ng sunod-sunod na insidente ng pekeng bomb threat na nakaapekto sa operasyon ng mga paaralan at tanggapan ng pamahalaan sa Bulacan, Bicol, Cebu, Caloocan City, at Maynila.
Tinukoy ni Estrada na noong nakaraang buwan lamang, apat na paaralan sa Davao City ang biniktima ng bomb threat sa loob ng 48 oras na nagresulta sa mass evacuation at pagsuspinde ng klase.
Sa Pampanga, sinampahan ng kaso ang isang 21-anyos na babae dahil umano sa pagpapadala ng mga online bomb threat sa ilang paaralan, habang pansamantalang nahinto naman ang operasyon ng Office of the Vice President dahil sa kahalintulad na insidente ngayong taon.
Ang SBN 1076 ay nakabatay sa umiiral na PD 1727 na nagpaparusa sa mga bomb joke at hoax, ngunit kinikilala ng panukala ang pagbabago ng teknolohiya sa komunikasyon. Pinalalawak ng batas ang saklaw nito upang isama ang mga banta na ipinadadala sa pamamagitan ng social media, messaging apps, at iba pang digital channels. Itinakda rin nito ang isang pangunahing ahensya na mamumuno sa pagpapatupad at mga kampanya para sa kaalaman ng publiko.
“This is about restoring public trust and ensuring that our communities feel safe,” dagdag pa niya. “We must send a clear message: those who weaponize fear through false threats will be held accountable.”

