Calendar
Walong restawrang Pilipino — Asador Alfonso sa Cavite, Celera sa Makati, Gallery by Chele sa Taguig, Hapag sa Makati, Inatô sa Makati, Kasa Palma sa Makati, Linamnam sa Parañaque, at Toyo Eatery sa Makati — ay ginawaran bawat isa ng isang MICHELIN Star sa unang MICHELIN Guide Manila and Environs | Cebu 2026 na ginanap noong Oktubre 30 sa Manila Marriott Hotel.
PH resto, chef na nagkamit ng Michelin star makakatulong palakasin turismo — Legarda
NAGHAIN si Senadora Loren Legarda ng resolusyon na nagbibigay-pugay sa mga restawran, chef, at propesyonal sa industriya ng pagkain na kinilala sa unang Michelin Guide Philippines 2026, na aniya’y makatutulong upang mapalakas ang turismo, mapaunlad ang lokal na industriya ng pagkain, at maipakita ang galing at pagkamalikhain ng mga Pilipino sa pandaigdigang entablado.
Sa ilalim ng Senate Resolution No. 164, binigyang-diin ni Legarda na tampok sa Michelin Guide Manila and Environs & Cebu 2026 ang mabilis na paglago ng kulinaryang Pilipino—mula sa fine dining at sustainable gastronomy hanggang sa mga kaswal at rehiyonal na kainan—na sumasalamin sa lawak at lalim ng pagkaing Pilipino.
“We are happy that such a prestigious international culinary guide has finally recognized Filipino cuisine as a rising star in the Asian region, and hopefully this also raises the level of many to aspire to have their own Bib Gourmand or Michelin star recognition someday,” ani Legarda.
Dagdag pa niya, ang pagkilalang ito ay maaaring “uplift our local tourism industry, to be another hub in Asia where visitors could enjoy the diverse choices in various regions of the country.”
Ang Pilipinas ay sumunod sa mga kalapit-bansang Thailand, Malaysia, at Singapore na nauna nang napabilang sa Michelin Guide—isang prestihiyosong gabay sa pagkain at paglalakbay na nagsimula sa France noong unang bahagi ng 1900s at ngayo’y kinikilala bilang pandaigdigang pamantayan ng kalidad sa larangan ng pagluluto.
Batay sa ulat ng Michelin Guide, sinuri nito ang 108 establisimyento sa Maynila at Cebu para sa unang edisyon nito sa bansa. Sa Makati City matatagpuan ang Helm ni Chef Josh Boutwood, na tumanggap ng dalawang Michelin Stars—ang kauna-unahang nakamit ng isang restawran sa Pilipinas. Walo pang restawran sa Makati, Taguig, Parañaque, at Alfonso, Cavite ang nakatanggap ng tig-iisang Michelin Star.
Dalawampu’t limang establisimyento naman ang ginawaran ng Bib Gourmand para sa masarap ngunit abot-kayang pagkain, habang 74 na iba pa ang kabilang sa listahang Michelin Selected sa Metro Manila at Cebu.
“Filipino cuisine will always be special, and this recognition will only take the culinary industry to new heights,” dagdag ni Legarda, na binigyang-diin na ang pagkilalang ito ay kaayon ng National Tourism Development Plan 2023–2028 para sa napapanatiling at inklusibong pag-unlad na nakaugat sa kulturang Pilipino at pagkamalikhain.
Ayon pa sa senadora, ang ganitong pagkilala sa lutuing Pilipino ay makatutulong hindi lamang sa malalaking restawran kundi pati sa maliliit na negosyante, magsasaka, at lokal na tagapagtustos ng sangkap—na siyang nagsusuplay ng mga produktong ginagamit ng mga chef sa iba’t ibang rehiyon ng bansa.

