Acidre

Acidre nanawagan ng mas mahigpit na seguridad sa mga paaralan

Mar Rodriguez Sep 21, 2026
147 Views

NANAWAGAN si TINGOG Partylist Rep. Jude Acidre para sa mas mahigpit na mga hakbang sa seguridad sa mga paaralan at agarang pagtugon sa mga babala tungkol sa posibleng karahasan kasunod ng pamamaril sa Banga National High School sa South Cotabato.

Ayon kay Acidre, kailangang magkaroon ng malinaw at epektibong sistema upang matukoy, mai-report at maaksyunan agad ang mga senyales na maaaring humantong sa karahasan.

“Hindi puwedeng pagkatapos ng bawat trahedya, saka lamang tayo magtatanong kung ano ang dapat sana nating nakita o nagawa,” wika ni Acidre.

Sinabi ni Acidre na nasira ng insidente ang tiwala ng mga magulang na ipinagkakatiwala sa paaralan ang kanilang mga anak upang matuto, umunlad at makauwi nang ligtas.

“Napakasakit isipin na ang isang lugar na dapat ligtas para sa ating mga anak ay naging lugar ng takot at karahasan,” sabi nito.

Iginiit ni Acidre na kailangang alamin sa nagpapatuloy na imbestigasyon kung paano nakakuha ng baril ang isang menor de edad at kung paano ito naipasok sa paaralan.

Sinabi ng kongresista kung may mga warning signs na maaaring makita at inaksyunan ng mas maaga, gayundin kung saan nabigo ang mga umiiral na safety measures.

Maging ang mga ulat tungkol sa online activities at komunikasyon ng estudyante ay dapat umanong maingat na suriin upang malaman kung may pagkakataong maaaring nakapagpatupad ng maagap na intervention.

Gayunman, nagbabala si Acidre laban sa agad na pagsisi sa social media, online games o anumang partikular na salik bago makumpleto ang mga katotohanan.

“But we should not rush to blame social media, online games, or any single factor before the facts are established,” pahayag pa ni Acidre.

Ayon kay Acidre, dapat gamitin ang resulta ng imbestigasyon upang mapahusay ang school security at mga support system na tumutulong sa mga kabataang nangangailangan ng agarang tulong.

Kabilang sa panawagan ni Acidre ang mas mahigpit na school safety protocols; responsableng pag-iimbak at pag-iingat ng mga baril; sapat at madaling ma-access na guidance counselors; mas maraming mental health professionals; at malinaw na sistema para sa pag-uulat ng kahina-hinala o mapanganib na pag-uugali.